Pinangunahan nina Senator at Senate Committee on Health chairperson Christopher “Bong” Go, kasama sina Mandaluyong City Mayor Carmelita A. Abalos, Representative Neptali Gonzales II at iba pang national at local government officials, ang paglulunsad ng ika-85 Malasakit Center na itinayo sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City noong Biyernes, Oktubre 2.
Ang naturang Malasakit Center ang kauna-unahan sa lungsod at ika-16 naman sa Metro Manila.
Ito ay isang one-stop shop kung saan maaaring dumulog ang mga indigent Filipino patients at mag-aplay ng financial at medical assistance mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ng senador sina Sec. Michael Lloyd Dino ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas, DOH Sec. Francisco Duque III, DSWD USec. Aimee Torrefranca-Neri, Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco B. Belgica, at sina Mayor Abalos at Cong. Gonzales II at iba pang mga opisyal dahil sa kanilang pagsuporta sa mga Malasakit Centers.
Hinikayat rin ng senador ang lahat ng mga Pinoy na isaisantabi muna ang politika at magtulungan habang nagkakaisa at nagpapakita ng pagdamay sa mahihirap at vulnerable sectors upang malabanan at malampasan ang kasalukuyang mga hamon ng buhay at matapos na ang COVID-19 pandemic bilang nagkakaisang nasyon.
“Alam kong hirap kayo dahil sa pandemya. Kami rin dito sa gobyerno hirap rin kami pero pagtulungan na lang po natin ito. Sino ba namang magtutulungan kundi tayo lang po kapwa natin Pilipino? Sabi nga ni Pangulo, parati kaming nag-uusap tuwing gabi, sabi niya ‘Bong, hayaan mo na ‘yan sila basta gawin lang natin, ang importante malampasan natin ito’,” ayon pa kay Go, na ang tinutukoy ay ang mga kritiko ng administrasyon.
“Wala na kaming ibang hangarin kundi ang magserbisyo para malampasan natin itong pandemyang ito,” aniya pa.
Inalala rin naman ni Go ang kanyang mga karanasan habang nagtatrabaho sa ilalim ng pamumuno ng noo’y si Mayor Duterte na siyang naglantad aniya sa kanya sa nakaka-stress at mahirap na proseso na pinagdaraanan ng mga Pinoy upang makahingi lamang ng tulong mula sa pamahalaan para sa kanilang medical bills.
Ang mga naturang kaganapan aniya ang nagtulak sa kanya upang bumuo ng konsepto ng isang one-stop shop na ipinangako niyang isusulong noong panahon ng kanyang senatorial campaign.
Ang Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na iniakda at inisponsoran ni Go, ay nilagdaan ni Pang. Duterte noong Disyembre 2019. Ang naturang batas ang nagmamandato sa pagtatatag ng mga centers sa bawat DOH-run hospital sa buong bansa at sa Philippine General Hospital sa Maynila.
Ang iba pang public hospitals ay maaari ring magtayo ng kanilang sariling Malasakit Centers kung maabot nila ang standard set of criteria at magarantiyahan ang availability ng pondo para sa operasyon ng kanilang center. PMRT
Comments are closed.