(89% ng mga Pinoy sang-ayon) MANUFACTURING SECTOR DAPAT SUPORTAHAN NG GOV’T

MANUFACTURING

WALUMPU’T siyam na porsiyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat suportahan ng pamahalaan ang manufacturing sector para mapalakas ang ekonomiya, ayon sa survey ng Pulse Asia.

Kinomisyon ng Stratbase ADR Institute, lumabas sa March 2023 survey na 1% lamang ang hindi sumang-ayon, 2% ang nagsabing wala silang sapat na kaalaman sa bagay, at 8% ang hindi masabi kung sang-ayon sila o hindi.

Mas marami ang sumang-ayon sa classes D at E na may 90% at 89%, ayon sa pagkakasunod, kumpara sa higher class ABC na may 84% lamang.

Nasa 62% ng mga Pinoy ang sang-ayon na ang manufacturing activities ay nag-aambag sa paglago ng ekonomiya, karamihan ay sa pamamagitan ng paglikha ng livelihood opportunities para sa local service businesses.

Sang-ayon din ang kaparehong percentage na ang manufacturing sector ay nag-aambag din sa ekonomiya “by making goods more affordable and accessible to consumers.”

Samantala, 61% ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat magkaloob ang pamahalaan ng training sa mga manggagawa “to upgrade their schools in order to boost the manufacturing and other industries.”

Ang survey ay isinagawa mula March 15 hanggang 19, 2023 sa may 1,200 respondents.