NAKOPO ni June Mar Fajardo ang kanyang ika-8 PBA Most Valuable award nitong Linggo.
Tinalo ng San Miguel Beer superstar sa naturang parangal sina teammate CJ Perez at bagong Terrafirma Dyip big man Christian Standhardinger.
Ang 6-foot-10 big man ay may average na 17.8 points, 13.4 rebounds, 2.8 assists at 1.7 blocks per game sa PBA Season 48.
Nakalikom siya ng 1,615 points mula sa stats, 855 points sa media votes at 329 mula sa player votes para sa kabuuang 2,799 points.
Si Fajardo ang Best Player of the Conference sa Philippine Cup at pinangunahan ang Beermen sa korona ng Commissioner’s at runner-up finish sa and all-Filipino conference.
Ito ang ikalawang sunod na MVP plum ni Fajardo. Ang kanyang walong awards ay doble ng kina second-placers Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio, na kapwa may apat na MVP award.
Sa kabila ng tagumpay na ito ay tila hindi pa tapos si Fajardo sa pag-ukit ng kasaysayan.
“Sana next year ulit,” pabirong pahayag ni Fajardo makaraang tanggapin ang kanyang MVP trophy sa stage mula sa buong PBA Board of governors, sa pangunguna nina chairman Ricky Vargas at commissioner Willie Marcial, sa 30-minute proceedings na iprinisinta ng Arena Plus.
“Kung may darating na award, tatanggapin ko. Kasi hindi naman tayo habang buhay maglalaro. Hanggang kaya nating maglaro, i-collect natin ito, para pag natapos na yung career ko, may babalikan ako, may titingnan ako,” dagdag pa ni Fajardo.
Pumangalawa si Perez came na may 1,951 total points, habang si Standhardinger ay may 1,731.
Nanguna sina Fajardo, Standhardinger at Perez sa Mythical Five First Team selection, kasama sina Arvin Tolentino at Chris Newsome.
Sina Cliff Hodge, Calvin Oftana, Jason Perkins, Stephen Holt at Juami Tiongson ang bumubuo sa Mythical Five Second Team.
Itinanghal namang top defenders ng nakaraang season sina Hodge, Fajardo, Kemark Carino, Joshua Munzon at Newsome.
Si Holt, ipinamigay sa Ginebra sa offseason, ang Rookie of the Year na may averages na 17.0 points, 6.9 rebounds, 5.5 assists at 1.9 steals per game para sa Terrafirma noong nakaraang season.
Iginawad kay Paul Zamar ng NorthPort Batang Pier ang Samboy Lim Sportsmanship Award, habang si Jhonard Clarito ng Rain or Shine ang Most Improved Player. CLYDE MARIANO