MAYNILA-HUMARAP na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na pulis na sangkot umano sa pamamaril at pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo 29.
Ayon kay Deputy Dir. Antonio Pagatpat, director for regional operations ng NBI, ang pagpunta ng nasabing mga pulis ay para sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng NBI hinggil sa kaso matapos silang padalhan ng subpoena upang makapagpaliwanag sa nangyari.
Kabilang sa mga napatay sina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula, na pawang mula sa 9th Intelligence Service Unit ng 11th Infantry Division.
Nauna nang sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nakapagsumite na ang mga field agent ng NBI ng kanilang inisyal na report kung saan nakasaad ang mga pahayag ng mga testigo, forensic findings ng medico-legal at ballistic experts, kaya posibleng makapagsampa na ng criminal charges.
Sinabi naman ni Pagatpat na ang mga testigo ay hindi bababa sa sampu at nakuhanan na rin ng testimonya .
Karamihan aniya rito ay nakita ang nangyaring pamamaril ng mga pulis sa mga sundalo.
Ayon pa kay Pagatgat, maglalabas ang NBI ng rekomendasyon sa sandaling matapos ang kanilang imbestigasyon kung saan i-evaluate pa aniya nila ang mga nakalap na pahayag at ebidensya, upang matiyak na maihahatid nila sa publiko ang katotohanan hinggil sa pamamaril ng mga pulis sa mga sundalo.
Sa pagharap ng mga pulis sa NBI, naging mahigpit naman ang naging seguridad kung saan may mga SWAT team na itinalaga sa harapan ng NBI main office sa Taft Avenue. PAUL ROLDAN
Comments are closed.