PINARANGALAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang siyam na micro, small at medium enterprises (MSMEs) na nagpatupad ng pinakamahusay na productivity improvement program sa gitna ng pandemya sa ginanap na 2023 Productivity Olympics Awarding Ceremony sa Quezon City noong ika-19 ng Oktubre.
“Isa sa aming flagship advocacy program ang productivity improvement dahil lumilikha ito ng virtuous cycle na lumalawak, ‘ika nga, ang sukat ng pie para ibahagi sa lahat. Ang mas mahusay na antas ng produktibidad ay nagpapalaki ng kita para sa mga negosyo.
At ito ang dahilan upang mapalawak ang mga kanilang portfolio, na nagreresulta sa paglikha ng mga trabaho, mas mataas na sahod at mas magandang kondisyon sa paggawa para sa mga manggagawa, at kapayapaan sa industriya,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido E.
Laguesma, na umuupo rin bilang chairperson ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Nagtunggali para sa pambansang parangal ang 30 MSME finalist sa sektor ng agribusiness, serbisyo, at industriya. Pinili ang mga nominado batay sa disenyo at pagpapatupad ng kanilang mga programa sa pagpapahusay ng produksiyon at ang epekto nito sa mga manggagawa at sa negosyo.
Pinili ang mga ito batay sa business excellence (50 percent), employee engagement and expansion (30 percent), innovation and green initiatives (15 percent), at corporate social accountability (5 percent).
Para sa sektor ng agribusiness, ang mga pinarangalan ngayong taon ay ang Citrus Hill Plantation sa Caraga (micro-enterprise category), Umani Cabal Farm Inc. sa SOCCSKSARGEN (small enterprise category), at Amparitas Integrated Farm sa Caraga (medium enterprise category). Ang mga nagwagi sa sektor ng industriya ay ang Manjous Homemade Delicacies sa Cagayan Valley Region para sa micro-enterprise category, Eva Marie Arts and Crafts sa Eastern Visayas para sa small enterprise category, at Lighthouse Cooperative din sa Cagayan Valley para sa medium enterprise category.
Para sa sektor ng serbisyo, ang mga nanalo ay ang Dubby’s Ultimate Burgers Food House sa Central Visayas para sa micro-enterprise category, Prime Seller Marketing sa Bicol Region para sa small enterprise category, at The Manor sa Camp John Hay sa Cordillera Administrative Region para sa medium enterprise. Ang national winner ay tumanggap ng tig-P120,000 cash prize, trophy, at priority endorsement para sa training programs at webinars ng NWPC.
LIZA SORIANO