UMABOT na sa 238 na mga indibidwal mula sa 92 pamilya ang lumikas sa mga flood prone areas sa siyam na bayan sa Camarines Sur.
Sa panayam kay Cris Rivero, head ng Environment, Disaster Management and Emergency Response Office (EDMERO)-Camarines Sur, sinabi nitong lumikas ang mga residente mula sa 34 na barangay sa mga bayan ng Ocampo, Buhi, Lagonoy, Cabusao, Garchitorena, Magarao, Presentacion, Caramoan at Baao.
May naitala na ring pagguho ng lupa sa pagitan ng mga bayan ng Lagonoy at Presentacion kung kaya hindi na ito madaanan ng mga sasakyan, ngunit wala pa namang naiulat na casualty o nasaktan sa pangyayari.
Samantala, muli itong nagpaalala sa mga kababayan na nananatili pa rin sa mga flood prone area na isagawa na lamang ang voluntary evacuation at huwag nang hintayin na tumaas pa ang lebel ng tubig.
PITO PATAY SA BAGYO
Umaabot na sa pitong katao ang sinasabing nasawi bunsod ng ilang araw na pag ulan dala ng Tropical Depression Usman ang huling bagyo na nanalasa sa Filipinas apat dito ay sanhi ng naganap na landslide sa Bicol Region.
Sa ulat ng PNP Police Regional Office 5 patay ang mag-asawa at kanilang isang anak matapos gumuho ang lupa na tumabon sa kanilang bahay bunsod ng dalang ulan ng Bagyong “Usman,” sa Legazpi City, Albay.
Kinilala ang mga nasawi sa landslide na sina Mauro Alegre at Mia Lorete pati ang kanilang tatlong taong gulang na anak na si Marco Alegre.
Sa Barangay Palale sa bayan ng Bulan Sorsogon hindi na nakalabas ng bahay ang 91-anyos na biyuda ng matabunan ng bato at lupa ang bahay nito bandang alas-8:30 kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang biktima na si Angelina Gerona (MNU), 91 taong gulang.
Samantala, tatlong hindi pa nakikilalang bangkay ang nakita kahapon bandang alas-8:45 ng umaga sa dalampasigan ng Brgy. Nonoc, Claveria, Masbate.
Sa inisyal na ulat sinasabing sakay ang tatlo ng isang motorized banca mula Balatan, Camarines Sur at papunta sana ng Alabang Baybay, San Pascual, Masbate noong Disyembre 26, 2018 subalit hindi sila nakarating sa pu-puntahan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.