TARGET ng pamahalaan na simulan ang implementasyon ng expanded “Libreng Sakay” program sa susunod na buwan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na hinihintay na lamang ng kanyang ahensiya ang actual downloading ng pondo na inilaan para sa third tranche ng Service Contracting Program (SCP) para masimulan ang rollout nito.
Naunang inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na naglabas ito ng P7-billion sa Department of Transportation (DoTr) para sa pagpapatupad ng programa at para maisama ang iba pang public utility vehicle (PUV) drivers at operators, kabilang ang jeepneys at UV express.
“Gusto namin na itong service contracting, dito po napapaloob ‘yung ‘Libreng Sakay’ na program natin, eh maipatupad sa lalong madaling panahon,” ani Cassion.
“Inaantay lang natin ang pag-download ng bugdet sa LTFRB and hopefully, the soonest possible time ngayong April masimulan na natin ang service contracting para ngayong taon,” aniya.
Sa ilalim ng service contracting program, ang mga operator at driver na lalahok sa free ridership program ng pamahalaan ay tatanggap ng one-time payout na P4,000 at weekly payments base sa kilometers na ibiniyahe kada linggo, may pasahero man o wala.
Ayon kay Cassion, umaasa ang transport department na marami pang drivers at operators ang lalahok sa programa ngayong taon matapos ang matagumpay na turnouts noong 2020 at 2021.
Tiniyak din niya sa mga partner ang adjusted rates sa kanilang payment sa harap ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
“Dahil nga po nakita na ng operators ang kagandahan, inaasahan po na mas marami ang sasali ngayong taon. Mas nadagdagan din naman po ang ating pondo kung kaya po sa mas maraming sasali, ma-e-expect po natin na mas marami pa rin pong pasahero ang makikinabang sa service contractor,” aniya.