PATULOY pa rin ang magmatic at hydrovolcanic activity sa Bulkang Taal.
Sa inilabas na abiso ng Philippine Insitute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) bandang 5:00 ng hapon ng Miyerkoles ay may taas na 700 metro ang ibinubugang abo ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, nagkaroon ng fissures o bitak sa bayan ng Lemery, Batangas partikular sa bahagi ng Sinisian, Bilibinwang; Talisay sa Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3, Poblacion 5; Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, Poblacion, Mataas na Bayan; Agoncillo sa Pansipit, at San Nicolas partikular sa Poblacion.
Mayroon din ilang fissures sa Sambal Ibaba sa Lemery.
Natuyot na rin ang bahagi ng Pansipit River.
Bandang 1:00 ng hapon ay umabot na sa 520 volcanic earthquakes ang naitala sa lugar.
Sa nasabing bilang, 169 ang naramdaman na nasa Intensity 1 hanggang 5.
Simula madaling-araw ng Miyerkoles hanggang 4:00 ng hapon ay mayroon pang 53 volcanic earthquakes kung saan 12 ang naramdaman sa lugar.
Mananatili pa rin sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal at asahan pa rin ang hazardous explosive eruption sa mga susunod na oras o araw.
Comments are closed.