ABS-CBN NAG-SORRY KAY DUTERTE

grace poe

HUMINGI ng tawad  kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN  sa pagdinig kahapon sa Senado.

“We’re sorry if we offended the president. That was not the intention of the network. We felt that we were just abiding by the laws and regulations that surround the airing of political ads,” ani Carlo Katigbak, president and chief executive officer ng ABS-CBN sa nasabing pagdinig.

Ang pahayag ni Katigbak ay bunga ng  pag-ere ng network ng isang kontrobersiyal na political advertisement noong 2016 na umano’y nakasira sa imahe ni Duterte noong kandidato pa ito sa pagkapangulo.

Nagpaliwanag din si Katigbak kaugnay sa hindi pag-eere ng network sa mga political advertisement na binayaran noon ni Duterte.

Ayon kay Katigbak, naipalabas ng ABS-CBN ang lahat ng national political advertisement na binayaran ni Duterte pero hindi naiere ang lahat ng local ads – o iyong mga ipinapalabas sa mga partikular na lalawigan  dahil sa limitadong airtime.

Gayundin, nabigo raw ang network na maiere ang P7 milyon halaga ng patalastas ni Duterte.

“Our policy on all our ads is first come, first serve. Many of these spots were ordered on May 3, and May 7 was the last day of the campaign period. There had been many previous telecast orders that came in ahead of the president’s telecast order,” paliwanag ni Katigbak.

Inamin din nito, nagkaroon din ng delay o pagkaantala sa pagbalik ng P2.6 milyon na binayaran ng kampo ni Duterte para sa ads, pero hindi na ito tinanggap ng Pangulo.

Ang paghingi ng paumanhin ni Katigbak ay bunga ng pahayag ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa umano’y pagiging bias ng nasabing network kung kaya’t  hindi masisi kung bakit ganoon na lamang ang nararamdamang galit o sama ng loob ng Pangulong Duterte.

Tinukoy ni Go na nagsimula ang sama ng loob ng Pangulo noong tanggihan ng istasyon ang pag-eere ng kanyang political ads noong huling presidential campaign hanggang eleksiyon.

Anang senador, maiintindihan ng Pangulo kung hindi maiere kung naging parehas ito sa pagtrato sa iba pang mga kandidato o nagpapa-ads.

Ibinunyag pa ni Go na hindi na nga ini-ere ang political ads ng  Pangulo bagkus ang iniere pa ay mga naninira o negatibong bagay laban kay Duterte.

Sinimulan  ng Senate public services committee ang pagdinig kaugnay ng mga panukala tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Dumalo rin sa pagdinig sina ABS-CBN Chairman Mark Lopez, chief operating officer for broadcast Cory Vidanez, at iba pang opisyal ng network habang no show naman si Solicitor General Jose Calida na nagsampa ng quo warranto petition sa Korte Suprema laban sa ABS-CBN.

Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, kinuwestiyon ni Senador Francis Tolentino ang hearing dahil baka umano malabag ng Senado ang sub judice rule na nagbabawal na talakayin ang merits ng kaso ng network na dinidinig na sa Korte Suprema

Agad naman itong tinugunan ni  Poe na dapat pagkatiwalaan ang mga hukom na hindi sila maiimpluwesiyahan sa tatalakayin sa pagdinig at kailangang panindigan ng Senado ang kapangyarihan nito at panatilihin ang balance at separation of powers.

Iginiit naman ni Senador Sonny Angara na legal ang ginagawa nilang pagdinig dahil nagawa niya na ito sa pinamunuan niyang tatlong komite kung saan may hearing sa isyu bago ang Kamara.

ADS NI ZUBIRI ‘DI RIN NAIERE

Sa pagdinig ay ina­min din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maging siya ay naging biktima ng ABS-CBN at hindi naiere ang kanyang political ads sa kabila ng ito ay bayad  kaya sa huli ay ibinalik din ang ibinayad nito.

Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari pa ring mag-operate ang ABS-CBN sa ilalim ng “equity considerations.”

“May gap ‘yong batas eh. Kaya we draw from equity considerations para fair. Para may substantial justice. Para walang agrabyado. As I’ve said, hindi naman kasalanan no’ng company na hindi pa naaaprubahan ng Kongreso ‘yong kaniyang application,” pag-amin ni Guevarra.

Ang prangkisa ng ABS-CBN ay nakatakdang mag-expire sa Marso 30 na kung saan ay maaa­ring gumawa ng resolusyon ang Kongreso na magbibigay awtorisasyon sa National Telecommunications Commission (NTC) na mag-isyu ng provisional permit sa nasabing network hanggang sa makabuo ang mga mambabatas ng desisyon sa naturang prangkisa.

Aminado naman  si Senador Ronald Bato Dela Rosa na marami pang isyu ang nais niyang maliwanagan upang masuportahan nito ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN.

Sa naturang pagdinig, kinuwestiyon ni Dela Rosa ang isyu ng pay per view na kung saan ipinaliwanag ng DOJ at NTC na hindi ganoon kabigat ang ginawang paglabag ng naturang network dahil sa nag-operate  ang KBO nang wala pang operational guidelines at P200 kada araw lamang ang penalty.

Dahil dito, nananawagan si Dela Rosa sa NTC na madaliin ang paggawa ng  guidelines para hindi maabuso at dapat may kaakibat na mabigat na parusa.

Ayon pa sa senador, nais pa niyang marinig ang iba pang isyu tulad ng Philippine Depository Receipts (PDR) kung saan ibinenta ng ABS-CBN Holdings Corporation ang PDR sa foreign investors, ang isyu ng 30% shares ng naturang kompanya ay dapat i-offer sa public at ang citizenship ni Gabby Lopez,  ang Chairman Emeritus ng ABS-CBN na isang American citizen ay hindi rin nasagot sa pagdinig.

Iginiit ni Dela Rosa na namahala si Lopez ng ABS-CBN simula 1987 hanggang 2004 na kapag napatunayan na hindi siya Filipino citizen ay mala­king paglabag ito sa umiiral na batas. VICKY CERVALES

Comments are closed.