KUNG kailang nasa gitna tayo ng pandemya at nangangailangan ng mahahalagang impormasyon ang publiko kaugnay sa laganap na COVID, bigla nilang ipinasara ang isa sa mga mapagkakatiwalaang institusyon ng pagbabalita sa buong bansa – ang ABS-CBN.
Nakabibigla. Nakaka-disappoint na ang isang komisyong tulad ng National Telecommunications Commission na nauna nang nag-comit na pagkakalooban nila ng provisional authority ang ABS-CBN habang dinidinig pa ang franchise renewal bill nito ay biglang kumambyo ng desisyon.
Kung nagawa nilang pagbigyan ang ilang kompanya na makapag-operate kahit paso na ang franchise at naghihintay na lamang ng renewal, bakit hindi ang ABS-CBN?
May mga nauna nang pagkakataong ganito sa mga nakaraang taon, bakit sa pagkakataong ito, hindi puwede?
Binalaan umano ni SolGen Jose Calida ang NTC na hindi nila maaaring bigyan ng provisional authority ang ABS dahil wala silang kapangyarihan para gawin ito at walang batas na nag-uutos ng ganito sa NTC.
Pero paanong naging ilegal ito kung dati naman ay nagagawa na, at hindi naman sinasabing bawal?
Posibleng malaking epekto nga sa naging desisyon ng NTC ang sinabi ng SolGen na nagbabala pa raw na posibleng magkaron pa ng kaso ang komisyon kung ipipilit nilang bigyan ng pansamantalang permit ang broadcasting company.
Ito lang po ang magandang pangitain para sa mga kababayan natin o itong mga kapamilya nating lubhang nalungkot sa biglaang pagsasara ng ABS-CBN: sakali pong maipasa ng House of Representatives ang franchise renewal at mai-transmit ang panukala sa Senado, dalawang linggo, tiyak aprubado na ‘yan.
Kasi po, sa Senado, kailangan sa tatlong araw na pagitan ng second at third reading, maaaprubahan na ang panukala. Iyan ang pinakamabilis na takbo ng committee report lalo na kung hindi gaanong sasailalim sa interpelasyon ang isang proposed bill.
Ang isang malaking problema lang dito, kung gaano rin ba kabilis na tatalakayin sa Mababang Kapulungan ang panukalang ito para mabilis ding makarating sa Senado.
Pero kung totoo ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na itong si Pangulong Duterte ay ‘neutral’ sa usapin hinggil sa ABS-CBN, maaari niyang i-certify as urgent ang franchise renewal ng himpilan para maaprubahan ito sa loob lang ng tatlong araw na sesyon.
Umaasa tayo na mareresolba ang bagay na ito sa lalong madaling panahon. Hindi po ito simpleng isinara lang na kompanya dahil may maliliit na empleyado ito na itong trabaho lang na ito ang ibinubuhay sa pamilya. Higit 11,000 empleyado sila.
Nang magpatupad ang gobyerno ng malawakang lockdown dahil sa COVID-19, natengga ang mga trabahador. Walang pinagkakakitaan dahil karamihan sa kanila, no work, no pay. Mga empleyado na umaasang may babalikang trabaho sa sandaling mabawi na ang lockdown – ‘yun pala, ito ang sasapitin nila.
Comments are closed.