NAPAKALAKI ng ginagampanang papel ng edukasyon sa ating buhay at sa ating hinaharap. Ito ang karaniwang itinuturing na pundasyon ng pag-unlad at pagtatagumpay ng isang indibidwal.
Ang pagkakaroon ng mga kabataan ng access sa mahusay na kalidad ng edukasyon ay mahalaga para sa kanilang kinabukasan dahil maraming oportunidad ang nagbubukas para sa mga may pinag-aralan, lalo na sa mga nakapagtapos ng pag-aaral na may mataas na marka.
Subalit isa sa mga masasaklap na realidad ng buhay ang katotohanan na hindi lahat ng kabataan ay nabibiyayaan ng pagkakataong makapag-aral. Maraming mga pamilyang Pilipino ang salat sa badyet kaya gustuhin mang mapag-aral ang mga anak ay hindi naman magawa, liban na lamang kung mayroong tulong at suportang matatanggap mula sa pamahalaan, mga indibidwal, at miyembro ng pribadong sektor.
Isang perpektong halimbawa rito si Alexis Castillo Alegado, ang 22 taong gulang na residente ng Paoay sa Ilocos Norte na isa sa dalawang topnotcher ng 2023 Civil Engineering Licensure Examination. Ang pamilya ni Alegado ay beneficiary ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang 4Ps ay programa ng pamahalaan na nakasentro sa pagtulong sa mga pamilyang Pilipinong nangangailangan ng karagdagang suporta sa pag-unlad. Sa ilalim nito, namamahagi ng tulong pinansyal ang pamahalaan sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa upang mapangalagaan ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon para sa mga kabataang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.
Ayon sa DSWD, bukod sa pagiging benepisyaryo ng 4PS, si Alegado rin ay student-beneficiary ng programang Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Kaugnay nito, siya ay awtomatikong kwalipikado sa Tertiary Education Subsidy (TES) sa bisa ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ang mga benepisyaryo ng ESGP-PA ay mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral mula sa mga pamilyang nakalista rin bilang benepisyaryo ng 4Ps. Sa ilalim ng programa, ang mga mag-aaral ay maaaring pumasok sa mga piling kolehiyo o unibersidad para kumuha ng kursong kabilang sa mga prayoridad na programa ng Commission on Higher Education gaya ng Civil Engineering.
Sa tulong ng 4Ps ay nabigyan ng pinansyal na suporta ang pamilyang Alegado upang makapagtapos ng pag-aaral ang ngayo’y lisensyado nang civil engineer na si Alex. Sinisiguro ng programang ito na hindi magiging hadlang ang kahirapan sa pagtatapos ng pag-aaral ng mga kabataang gaya ni Alex.
Bukod sa pagkakaroon ng programang gaya ng 4Ps, napakalahalaga rin ng pagiging masikap at masipag ng mga benepisyaryo. Ang mga programa at insiyatiba ng pamahalaan ay magsisilbi lamang bilang tulong at suporta, ang tunay na pagsisikap ay dapat manggaling sa mga pamilyang tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Matapos tanghalin bilang cum laude sa Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte, muling pinatunayan ni Alegado ang kanyang kahusayan sa larangan ng civil engineering sa pamamagitan ng pagkuha ng markang 92.10% sa naturang licensure exam. Kapantay niya sa pagiging topnotcher ang Lasalistang si Garret Wiklenson Ching Sia at kapwa na-daig ng dalawa ang halos 17,000 na iba pang kumuha ng exam ngayong taon.
Bilang isang Lasalista, nagagalak akong isang mula sa De La Salle University (DLSU) Manila ang isa pang topnotcher sa naturang licensure exam. Subalit, hindi ko rin maitatanggi ang aking lubos na paghanga kay Alegado dahil pinatunayan niyang kaya ring manaig ng mga nagtapos sa mga unibersidad at kolehiyo sa probinsya. Sa kanyang kwento mapapatunayan na basta’t nagsusumikap ang isang tao, at nakakakuha ng kinakailangang suporta at tulong, tiyak na lalabas ang tunay nitong potensyal.
Hindi lamang sarili ni Engr. Alex Alegado ang kanyang nai-angat sa kanyang mga nakamit na tagumpay. Maging ang kakayahan ng unibersidad kung saan siya nagtapos, sampu ng kanyang mga naging guro at propesor, ay naipakilala niya rin sa bansa. Bago siya tinanghal na topnotcher, wala masyadong nakaririnig o nakakaalam ukol sa MMSU.
Ako’y personal na nagagalak na malaman na maging ang mga paaralan at unibersidad sa ibang bahagi ng bansa ay mayroon ding epektibong programa at mahuhusay na mga guro at propesor dahil isa ito sa mga susi upang masiguro na ang mga mag-aaral sa buong bansa ay mayroong pantay na oportunidad sa pagkakaroon ng access sa magandang kalidad ng edukasyon.
Si Alegado ay isa sa 32 na mag-aaral na pumasa mula sa kabuuang bilang na 77 na kumuha ng licensure exam mula sa MMSU. Kaugnay nito, nasa 41.56% ang passing rate na nakuha ng unibersidad. Ito ay mas mataas kompara sa 34.76% na national passing rate ngayong taon kung saan 5,887 ang pumasa mula sa 16,936 na sumubok maging lisensyadong civil engineer.
Ang edukasyon ay isa sa mga mahahalagang elemento sa pagbabago sa lipunan tungo sa kaunlaran at pagkakapantay-pantay. Sa pamamagitan ng pagsiguro na mayroong pantay na oportunidad sa edukasyon para sa lahat, hindi lamang natin natutulungan ang mga kabataan kundi nakatutulong din tayo sa pagkamit ng pangkalahatang kaunlaran. Napakahalaga ng edukasyon at ng mga programa at inisyatiba ng pamahalaang sumusuporta rito upang masigurong hindi na magiging hadlang ang kahirapan o lokasyon ng mga mag-aaral sa pagkakaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon.