ACES HUMIRIT NG ‘DO OR DIE’

Aces

Mga laro bukas:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Magnolia vs Ginebra

7 p.m. – Rain or Shine vs Blackwater

BUHAY pa ang Alaska Aces sa 2019 PBA Commissioner’s Cup playoffs matapos ang impresibong 108-72 panalo laban sa top-seeded TNT KaTropa kahapon sa Araneta Coliseum.

Tinapos ng KaTropa ang elimination round na may 10-1 kartada upang kunin ang top seed, at nangailangan lamang ng isang panalo upang umabante sa semifinals.

Subalit nadominahan ng Aces, na kinailangang manalo laban sa Meralco noong Biyernes upang makopo ang 8th seed, ang Texters.

Nagtala ang Alaska ng double digits na kalamangan sa half, pagkatapos ay pinalobo pa ito sa third quarter na ikinagulat ng TNT.

Tinalo ni Diamon Simpson si Terrence Jones sa kanilang personal duel sa pagkamada ng 15 points, 19 rebounds at 4 na blocked shots at itinanghal na ‘Best Player of the Game’.

“Our win against Merlaco energized our energy. We’ll take it one game at a time,” sabi ni Simpson “TNT is strong and we’re able to upstage them offensively and defensively.”

Panay ang balasa ni coach Ferdinand ‘Bong’ Ravena sa kanyang mga bataan subalit hindi makahulma ng epektibong formula para mapigilan ang pananalasa ng Aces na bumuslo sa apat na sulok ng court at nagpakawala ng walong tres, ang huli ay mula kay reliever Chris Exciminiano.

Naniwalang wala nang pag-asang makabalik pa at maisalba ang laro, inilabas  ni Ravena ang kanyang first unit at ipinasok ang kanyang second unit para mabigyan ng exposure.

Muling umarangkada ang Aces sa third period, 11-0, sa four-minute run at ipinoste ang pinakamalaking bentahe, 64-43, na sinundan ng 7-2 at-tack para sa 71-47 kalamangan, may limang minuto ang nalalabi.

Hindi pa nasiyahan ay ipinagpatuloy ng Aces ang pananalasa at lumamang ng 27 points, 87-60, sa pagtatapos ng third period. CLYDE MARIANO

Iskor:

Alaska (108) – Teng 15, Simpson 15, Enciso 14, Banchero 14, Manuel 13, Cruz 11, Casio 8, Racal 7, Galliguez 5, Baclao 2, Exciminiano 2, Ayaay 2, Thoss 0, Pascual 0.

Talk N Text (72) – Castro 23, Jones 19, Rosario 9, Taha 5, Reyes 4, Magat 4, A. Semerad 3, Heruela 2, Pogoy 2, Trollano 1, D. Semerad 0, Golla 0, Washington 0, Casiño 0.

QS: 27-18, 53-41, 89-60, 108-72.

Comments are closed.