ACT-CIS TULOY-TULOY PA RIN ANG PAGTULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYO AT BAHA

Eric Yap

BAGAMAT wala ng bagyo at humupa na ang mga baha, tuloy pa rin ang pagpapadala ng ayuda ng ACT-CIS Partylist sa mga nasalanta ng magkakasunod na bagyo sa Bicol, Quezon, at Marikina at pagbaha naman sa Isabela at Cagayan.

Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, umaabot na sa P15 milyon ang naihatid na mga relief at ihahatid pa sa mga biktima ng magkakasunod na kalamidad sa Luzon kamakailan.

“Naghahanda na po kami para tulungan ang mga kababayan natin sa rehabilitation tulad ng mga nasira ang mga bahay o walang naisalbang gamit,” ani Cong. Yap.

Dagdag pa niya, “Problema po ng mga biktima ay kung papaano mag-uumpisa dahil wasak ang kanilang tirahan o inanod ng baha ang kanilang gamit”.

Ayon pa sa mambabatas, si ACT-CIS 2nd Cong. Jocelyn Tulfo at asawa nitong si Raffy Tulfo ang nakatoka na nagpadala ng ayuda sa Isabela at Cagayan na umabot sa higit P5 milyon.

Libo-libong mga tsinelas, kulambo, banig, kumot at inuming tubig naman ang hinatid ni ACT-CIS Cong. Nina Taduran sa mga kababayan sa Bicol Region.

Habang daan-daang sako ng mga bigas, delata at bulto-bulto ng mga used clothing ang ipinamahagi ni Cong. Yap sa Marikina.

“Hindi pa po kami tapos tumulong. Narito lang po kami at pwede ninyong lapitan anumang oras”, pahabol ni Yap. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.