Mga laro ngayon:
(Binan Football Stadium)
4 p.m. – Laos vs. Cambodia
7 p.m. – Timor Leste vs. Myanmar
SASAGUPAIN ng regional power Myanmar ang Timor Leste sa isa sa dalawang tampok na laro sa pagsisimula ng Group B action sa 12th Asean Football Federation Women’s Championship ngayon sa Binan Stadium sa Laguna.
Nakatakda ang salpukan ng Burmese, bronze medalists sa 2019 edition ng torneo sa Chonburi,Thailand at sa nakalipas na 31st Vietnam Southeast Asian Games, at ng Timorese sa alas-7 ng gabi.
Maghaharap naman ang next-door neighbors Laos at Cambodia sa alas-4 ng hapon sa premier women’s Southeast Asian soccer competition na inorganisa at hinost ng Philippine Football Federation at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang defending champion Vietnam ay sa Huwebes pa sasalang kontra Cambodia sa Binan Stadium, na naging host din ng karamihan sa women’s matches ng 30th SEA Games, tatlong taon na ang nakalilipas.
Samantala, makabibili pa rin ng tickets para sa nalalabing group matches ng torneo sa lahat ng SM ticket outlets at online sa SMTickets.com.
Ang presyo ay P400 at P300 para sa Grandstand Category 1 at 2, ayon sa pagkakasunod, at P150 para sa bleachers sa Rizal Stadium, at P300 para sa Grandstands ng Binan Stadium at Imus Stadium sa Cavite.