AGAWAN SA 3-2

pba

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

7 p.m. – San Miguel vs TNT

Game 5, Serye tabla sa 2-2

INAASAHANG magiging kapana-panabik at hitik sa aksiyon ang muling paghaharap ng San Miguel Beer at Talk ‘N Text sa krusyal na Game 5 ng best-of-7 PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Araneta Coliseum.

Tabla ang serye sa 2-2 at ang magwawagi ay lalapit sa pinakaaasam na korona.

Naitabla ng Beermen ang serye sa 2-2 sa pamamagitan ng 106-101 panalo sa Game 4 noong Linggo.

“This game is very crucial to us. We will go for a kill at all cost. We cannot afford to lose this game. I instructed my players especially Chris McCullough to play their best, sharpen their offense and put up rock solid defense and not give the enemy leverage to mount offensive,” sabi ni coach Leo Austria.

Tulad ni Austria ay determinado rin si TNT consultant Mark Dickel na kunin ang PBA Commissioner’s Cup crown na bigong idepensa ng Barangay Ginebra makaraang sibakin ng Texters sa semifinals, 3-1.

Puntirya ni Austria ang ika-8 titulo kung saan muli siyang sasandal sa maiinit na kamay nina McCullough, June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Chris Ross, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Terrence Romeo at Christian Standhardinger.

Muling magtata­gisan ng galing sina McCullough at kapwa NBA veteran Terrence Jones, na inangkin ang Best Import award.

Sasandal naman ang Texters kina Jayson Castro, itinanghal na Best Player of the Conference; Roger Pogoy; Troy Rosario; Ryan Reyes at Anthony Semerad. CLYDE MARIANO

Comments are closed.