(Pagpapatuloy)
TUNGKOL pa rin sa artificial intelligence (AI) ang usapin ngayon.
Marami ang nagsasabi na kahit mahusay at maraming kayang gawin ang AI, hindi pa rin ito perpekto. Puwede itong magkamali, magpakalat ng maling impormasyon, at maling konklusyon.
Maaari rin itong mag-plagiarize ng gawa ng iba, magpalaganap ng mga ideyang mababaw o tekstong walang katuturan, at iba pa. Kaya nga totoo pa rin ang sinasabi ng marami na kailangan pa rin ng mga makina at robot ang tao.
Matatagalan pa marahil bago magawa ng AI ang ilang mga piling gawain na tao pa lamang, sa ngayon, ang nakagagawa. Bukod pa rito, may mga bagong hanapbuhay rin ang maglalabasan dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa larangan ng teknolohiya. Mabuti ito para sa atin.
Sa tingin ko, ang kailangan nating bantayan sa mga susunod na buwan at taon ay ang sobrang pag-asa sa mga app na kagaya ng ChatGPT. Kung hindi tayo magiging maingat sa impormasyon na lumalabas galing sa mga ito, maaari itong magdulot ng seryosong problema sa maraming tao.
Ang mga institusyon at ahensiyang pang-edukasyon ay kinakailangan, ngayon pa lamang, na maglatag ng mga polisiya at gabay tungkol sa paggamit ng mga tinatawag na “large language models”.
Kailangang isaalang-alang ang katarungan at ang pag-unlad pa rin ng tao. Hindi maaaring umasa na lamang tayo sa mga bots at kalimutan o talikuran na ang mahahalagang kasanayan kagaya ng pagsusulat, pagbabasa, pag-aanalisa, at ang maingat o kritikal na pag-iisip.
Sa kasalukuyan, marami na sa ating mga estudyante at manggagawa ang may limitadong kapasidad. Sana ay punan natin ang mga kakulangan kaysa iasa sa mga robot, computer at makina ang trabaho.