AMBULANSIYA BUMANGGA SA POSTE FRONTLINER NADALE, BUNTIS LIGTAS

Ambulansya

LAGUNA – NAMATAY habang nilulunasan ang 50-anyos na babaeng miyembro ng Bantay Bayan habang sugatan ang tsuper at lulan nitong buntis at dalawa pa matapos  bumangga sa poste ng Meralco ang sinasakyan nilang ambulansiya sa National Hi-Way, Brgy. Maitim, bayan ng Bay, kamakalawa ng gabi.

Base sa ulat ni PMaj. Celmar Aquino, hepe ng pulisya kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio III, nakilala ang biktimang si Ofelia Regalado, frontliner, ng Brgy. Tuntungin, Los Banos.

Samantala, magkakasunod na isinugod sa pagamutan ang tsuper ng Toyota Hi-Ace na ambulansiya may plakang FIG-344 na si Novo Mag-tangob, 41, may asawa, tubong Catanduanes, brgy. employee, buntis na si Anna Jane Soriano, 32, live-in-partner nitong si Wingvale Guncho-ma, 31, at kapatid ni Soriano na si Norlito, 27, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni Patrolman Yves Ryan Petines, may hawak ng kaso, dakong alas-11:45 ng gabi nang hindi inaasahang maganap ang naturang insidente.

Sinasabing mula sa kanilang lugar, agarang isinugod ng tsuper na si Magtangob at biktimang si Regalado sa Laguna Provincial Hospital (LPH) sa bayan ng Sta. Cruz ang buntis na si Soriano kung saan tinanggihan umano ang mga ito at nagpasiyang bumalik para dalhin sa hospital sa Lungsod ng Calamba.

Habang aktong binabaybay naman ng tsuper na si Magtangob ang kahabaan ng National Hi-way sa bahagi ng Brgy. Maitim ng hindi inaasahang aksidenteng mawala ito sa tamang linya at aksidenteng sumalpok ito sa poste ng Meralco hanggang sa tuluyan itong bumaligtad na hinihinala umanong ito ay nakatulog dahil sa matinding pagod.

Magkakasunod na isinugod ang mga ito sa LPH, samantalang minalas na bawian ng buhay ang biktima bunsod ng matinding sugat na tinamo nito sa kanyang ulo at katawan, habang ang buntis na si Soriano ay roon na rin nagluwal ng kanyang sanggol.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang tsuper ng ambulansiya para sumailalim sa isasagawang imbestigasyon na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries and damage to property. DICK GARAY

Comments are closed.