ANCAJAS HUHUBARAN NG KORONA SI INOUE

SINA Jerwin Ancajas (kanan) at Tacuma Inoue sa official weigh-in para sa kanilang WBA bantamweight title fight ngayong Sabado. Kuha ni WENDELL ALINEA

TOKYO – Kapwa pasok sina Jerwin Ancajas at Tacuma Inoue sa official weight para sa kanilang WBA bantamweight title fight ngayong Sabado.

Ang reigning champion ang unang tumapak sa timbangan at tumimbang ng 117 3/4 lbs. sa proceedings sa Tokyo Dome Hotel sa malamig at maulan na Biyernes.

Sumunod ang Filipino challenger na tumimbang din ng 117 3/4 lbs.

Ang weight limit ay 118 lbs.

Nakatakda ang 12-round match sa Kokugikan Arena.

Kasunod nito, si Ancajas, 32, ay kumain ng  brocolli at spaghetti para sa kanyang recovery meal kung saan sinamahan siya ni dating world title challenger Jonas Sultan na lalaban sa Ancajas-Inoue undercard kontra Japanese Riku Masuda sa isang eight-round fight sa bantamweight.

Sina Sultan at Masuda ay tumimbang din ng 117 3/4 lbs.

Sinabi ni Ancajas na ang maagaw ang WBA title belt kay Inoue ay tiyak na magbabalik sa boxing pride ng Pilipinas dahil ang bansa ay walang world boxing champion sa kasalukuyan.

“Bilang Pilipino na boksingero, masakit din na isipin na sa tagal-tagal ng panahon, ngayon pa lang ako nakaranas na wala tayong (world) champion. E halos 13 years na rin ako as a professional (boxer),” aniya.

“Nung panahon ni Sir Manny (Pacquiao), nakapag-champion ako. Marami akong kasabay, tig-lima, apat kaming sabay-sabay.”

Ang tinutukoy niya ay ang panahon na naging world champion sila nina  Pacquiao, Nonito Donaire, at Pedro Taduran noong  2019.

Noong nakaraang taon ay nabigo sina Melvin Jerusalem at Marlon Tapales na mapanatili ang kani-kanilang world crowns, kaya nawalan ng lehitimong world champion ang bansa.

Ngayon ay nais ni Ancajas na muli itong pasimulan para sa Pilipinas.