WALONG beses nabigo sa pag-ibig si Wilfredo Perlas, alyas “Papa Dudut”, 54-anyos na may 5 anak at 17 ang apo.
Matapos ang pagkabigo sa pag-ibig, pinaling niya ang kanyang atensiyon sa pagtitinda ng mga gulay gamit ang kanyang sariling kolong-kolong.
Sa awiting “Bahay Kubo”, lahat ng gulay na nabanggit ay mayroon tinda si Papa Dudut.
“Sibuyas… kamatis. At saka meron pa, labanos, mustasa….” mga linyang tumatak sa kantang bahay-kubo.
Masayahing tao si Papa Dudut, kaya marami sa kanyang mga suki ang natutuwa kung kaya’t sa kanya bumibili.
At ang pinakamaganda sa negosyo ni Papa Dudut na pinagkakaguluhan ng mga mamimili ay ang “Buy Now Pay Later”, ika nga pwedeng umutang basta bayaran kaagad.
“Hindi ako madamot sa aking mga suki. Kapag alam kong kapos sa pambayad, ibinibigay ko na rin agad ang gulay na nais nilang bilhin. Pakiusap ko lang sa kanila na maibalik kaagad ang bayad, dahil pinapaikot ko lamang ang puhunan dito sa aking panindang gulay”, nakangiting paglalahad ni Papa Dudut.
Kumikita si Papa Dudut ng halagang P600 bawat araw na hindi na masama dahil pa na rin itong nagtatrabaho sa isang kompanya na parehas lang ang kinikita kada araw.
Para sa isang ordinaryong mamamayang Pilipino, ang nasabing halagang kinikita kada araw ay malaking bagay at masayang makakain ng tatlong beses sa isang araw.
Si Papa Dudut ay kilala rin na isang magaling magluto ng iba’t ibang putaheng pang-piyesta at handaan.
Katuwang ni Papa Dudut sa paglalako ng mga panindang gulay ang kanyang kolong-kolong na sobra niyang minahal dahil hindi iniiwan at nasubukan na sa maraming pagkakataon. SID SAMANIEGO