ANG GALLBLADDER STONES

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Bago natin talakayin ang sakit ng GallBladder Stone o Cholelithiasis, mabuting alamin natin kung ano nga ba ang Gall Bladder o apdo at ano ang pakinabang nito sa ating katawan.

Ang apdo ay nagsisilbing storage organ ng ating katawan at naglalaman ito ng tinatawag na bile acids. Ang bile acids naman ang siyang tumutulong sa atin upang matunaw ang mga nakakain natin na matataba. Ang apdo ay matatagpuan sa taas at kanang bahagi ng ating tiyan. Malapit ito sa ating atay.

Ang pagdami ng sangkap na cholesterol at bilirubin sa ating apdo ay maaaring magdulot ng pamumuo ng isang STONE o BATO. Maaari itong lumaki sa paglipas ng panahon. May dalawang klase ng Gall Stones at ito ay ang Cholesterol Stones, nangyayari ito kapag ang dami ng cholesterol sa ating apdo ay mataas sa normal, at isa naman ay ang Pigment Stones, nangyayari naman ito kapag ang bilirubin ay mas mataas ang concentration sa apdo kumpara sa normal.

Ang sintomas ng gallstones ay depende sa dami at laki ng namuong bato sa ating apdo. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit ng taas at kanang bahagi ng tiyan, pakiramdam ng bloatedness o parang may kabag, lagnat, pagsusuka at pananakit o pangangalay ng ­ating kanang balikat na sanhi ng tinatawag na “referred pain”.

Kapag maliit ang isang gallstones ay maaaring magdulot ng pagbabara sa daluyang tubo nito papuntang bituka. Maaari rin itong maging dahilan ng pamamaga ng ating lapay o pancreas, pagkasira ng ating atay kung kaya ang isang tao ay naninilaw. Kapag ang mga sintomas at senyales na ito ay naramdaman, maaaring magdulot ng kapahamakan sa isang tao at sa ibang kaso, maaari pa itong ikamatay.

Ang gallstones ay maaari lamang magamot sa pamamagitan ng operasyon. Sa ngayon may dalawang klase ng operasyon na ginagamit sa Filipinas, ito ay ang Open Cholecystectomy at Laparoscopic Cholecystectomy, ang huling nabanggit ay may advantage tulad ng mabilis na recovery period at maliliit na hiwa ng operasyon dahilan upang hindi ito maging halata sa isang tao na sumailalim dito.

Ang ilan naman sa risk factors ng sakit na gallstones ay ang pagiging mataba, diet na mamantika, pagiging babae dahil sa hormonal factors, sedentary lifestyle o kulang sa pag-e-exercise.

Kung may katanungan,  maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fanpage na medicusetlegem sa facebook.

Comments are closed.