ANG MGA programang nagbabalita ng mga kasalukuyang pangyayari sa bansa ay tumutok sa paghahatid ng mga balita ukol sa pandemyang COVID-19 upang mailahad sa publiko ang mga impormasyong dapat nitong malaman. Ngunit tila isang hamon para sa media ang makakuha ng tama at eksaktong balita patungkol sa nasabing pandemya.
Hindi maitatanggi na sadyang malaki ang papel na ginagampanan ng media sa ating buhay, lalo na ngayong taong 2020. Dito sa ating bansa, ang mga programang pang-telebisyon ay may dalawang pangunahing papel – ang maghatid ng libangan sa mga manonood at ang maghatid ng mahahalagang balita ukol sa mga nangyayari sa bansa at pati na rin sa mundo.
Kilalang-kilala ang mga Filipino sa pagiging likas na masayahin at matatag ang kalooban. Sa kabila ng mga problema at krisis na hinaharap nating mga Pinoy ay kinakaya pa rin nating ngumiti at tumawa. Kaya pa rin nating maging masaya. Malaki rin ang tulong ng media sa aspetong ito ng ating buhay. Ang mga programa sa radyo at telebisyon ay nakapagbibigay sa mga sumusubaybay nito ng pagkakataong makalimot sa problema kahit panandalian lamang.
Ang pandemyang ito ay nagsilbing hamon para sa mga malalaking istasyon ng telebisyon na maging malikhain sa kanilang mga programa upang mas makapaghatid ng saya at ng mga balita na base sa tamang impormasyon.
Isa sa mga istasyong tumanggap sa hamon na ito ay ang TV5, na kasalukuyang naglulunsad ng mga pagbabago sa kanilang mga programa. Sa halip na puro balita ukol sa kasalukuyang pangyayari sa bansa lamang ang kanilang inihahatid, nagdesisyon silang lagyan ng balanse ang kanilang mga programa. Sasamahan na nila ito ng mga balita ukol sa isports, mga programang panlibangan at pampamilya, at iba pang mga programang naghahatid ng makabuluhang impormasyon sa publiko.
Bilang isang taga-subaybay ng isports, ang pagpapalabas nito sa TV5 ng buong serye ng NBA Finals ay lubos na nakapagpasaya sa akin. Hindi ko na kinailangang gumastos sa pag-subscribe sa mga espesyal na livestream para makapanood nito. Sa aking personal na pananaw, isang matalinong desisyon ang ginawa ng TV5 na pumasok sa kontrata kasama ang NBA upang maipalabas dito ang serye na dati’y ipinalalabas sa ibang network. Hindi naman maitatanggi na talagang maraming Filipino ang tuma-tangkilik sa basketball.
Ang paghahatid ng NBA sa mga tahanan ng mga tumatangkilik dito ay tunay na nakakapawi ng stress na ating dinadala sa araw-araw dahil sa bagong normal na takbo ng buhay sa ating bansa. Lalo pang magagalak ang mga tumatangkilik sa nasabing isports ngayong nagbabalik na ang PBA 2020 Philippine Cup. Gaya ng NBA, papasok din sa isang bubble facility ang mga koponan na kasali sa PBA. Ito ay ipalalabas din sa TV5.
Bunsod ng kasalukuyang sitwasyon sa ating bansa, hindi pinahihintulutan ang publiko na manood nang live ng mga laro. Upang masigurong magiging maganda ang karanasan ng PBA fans sa bagong normal na paraan ng panonood ng nasabing torneo, sa pakikipagtulungan ng Smart Communications, Inc. ay maihahatid ang kauna-unahang sports broadcast sa bansa na gagamit ng pinakabagong teknolohiya na 5G internet. Makaaasa ang mga tagapagtangkilik ng PBA na sa kabila ng pagbabawal sa live na panonood ng laro ay magiging maganda at kapanapanabik pa rin ang kanilang karanasan sa pagsubaybay rito.
Bilang pagsunod sa mga panuntunang ipinatutupad ng IATF para sa kaligtasan, palagiang babantayan ang kalusugan ng bawat miyembro ng 12 koponan na kasali sa PBA at pati na rin ang mga taong bumubuo sa produksiyon ng torneong ito. Gagamitin din dito ang tekonolohiyang 5G sa pamamagitan ng mga kamera na may kakayahan na bantayan ang temperatura ng mga taong madadaanan nito.
Ayon kay PLDT-Smart Chairman Manny V. Pangilinan, ang teknolohiya at ang basketball ay nasa DNA ng Smart bilang isang kompanya. Muli, sa isa na namang pagkakataon ay pagsasamahin ng Smart ang teknolohiya at basketball upang makapaghatid ng kakaibang karanasan para sa mga manlalaro, fans, at pati na rin sa mga bumubuo ng produksiyon ng PBA.
Nakatuon ang atensiyon ng TV5 sa pagpapabuti ng kanilang mga programa upang mas mapaganda pa ang posisyon nito sa industriya. Kasama rin dito ang mas pag-ibayuhin pa ang mga programa nitong may layuning makapagbigay ng bagong kaalaman sa mga manonood. Kaugnay nito, kumuha sila ng mga batikang host sa industriya ng brodkast.
Ang umaga natin ay pagagandahin ng prominente at respetadong TV commentator na si Ted Failon kasama ang kontrobersiyal na si DJ Chacha. Sasamahan tayo ng tambalang ito sa telebisyon at sa radyo, sa istasyong FM Radyo 5 sa isang bagong programa na maghahatid sa atin ng mga napapanahong balita sa araw-araw. Ako ay naniniwala na sa bago nilang tahanan ay lalo pa nilang maipamamalas ang kanilang angking galing at talino dahil ang mga kagaya nina Ted Failon at DJ Chacha ay talagang mamama-yagpag saan man sila dalhin ng pagkakataon.
Isa pang bigating pangalan sa industriya ang itinuturing na bagong miyembro ng lumalagong pamilya ng TV5. Ipalalabas sa nasabing istasyon ang bagong programa ng isa pang batikang broadcaster na si Korina Sanchez-Roxas. Ang programa ay pinamagatang Rated Korina.
Ang beteranong broadcaster at journalist na ito ay isa sa mga tinitingala, hinahangaan, pinakarespetadong pangalan sa industriya. Ang pagiging bahagi niya ng TV5 ay magdadala ng malaking kontribusyon sa kredibilidad ng istasyon.
Ako ay nakatitiyak na nasa tamang direksiyon ang TV5 at hindi magtatagal ay ito ang magiging pinakamaaasahan at mangunguna sa paghahatid ng balita sa publiko.
Ngayong buwan ay nakatakda ring umere ang mga bagong programa ng TV5 na pinagbibidahan ng mga sikat na artista sa industriya. Nakipagtulungan ang TV5 sa Viva Communications, Inc sa paglunsad ng limang bagong programang tiyak na kagigiliwan ng mga manonood.
Habang tayo ay kasalukuyang nagtatrabaho at nag-aaral mula sa ating mga bahay, makaaasa tayong nariyan ang TV5 upang maghatid ng mga dekalidad na programang panlibangan ng pamilya at mga balita ukol sa mga nangyayari sa ating bansa.
Bilang isang dating broadcaster at journalist, ako ay nakakakuha ng inspirasyon mula sa pagsisikap ng TV5 na manatiling maaasahan at makapagpatuloy sa paghahatid ng mga balita sa publiko sa kabila ng pandemyang ito.
Comments are closed.