ANG MAYLIKHA NG KAYAMANAN

Heto Yumayaman

“ANG kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!” (Awit 19:1)

Isang katibayan na mayroong Diyos na Maylikha ay ang tinatawang na “teleological proof” o ang katibayan ng katalinuhan.  Maliwanag na mayroong matalinong nagdisenyo ng lahat ng bagay sa sanilikha (creation).  May kaayusan sa daigdig. Ang kaayusan ay hindi puwedeng manggaling sa tsamba o aksidente.  Mayroong tinatawag na “Law of Entropy” na umiiral sa daigdig.  Ang ibig sabihin nito, ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kaayusan at paglaon ay gumugulo ito.  Hindi maaaring mangyari na magmumula sa kaguluhan at paglipas ng panahon ay kusang magkakaroon ng kaayusan.

Halimbawa, pag iniwan mo ang bahay mo na maayos, at nagbakasyon ka ng mahabang panahon, pag-uwi mo, makikita mong ang bahay mo ay mayroon nang kaguluhan.  Marahil dahil sa ulan at hangin, natuklap na ang ilang bahagi ng bahay, nagkaroon ng makapal na alikabok sa  sahig at ibabaw ng muwebles.  Marahil ay may nakapasok na mga kulisap at hayop at nagkaroon ng maraming agiw sa mga sulok, at nginatngat ang ilang bahaging gawa sa kahoy, at inaamag o nilulumot na ang mga bahaging nababasa ng tubig.  Kailanman ay hindi maaaring mangyari na iiwan mo ang bahay mong magulo, at pagbalik mo paglipas ng panahon, ay kusa na lang na magiging maayos at malinis ito.

Isa pang halimbawa, iniwan mo ang bukid mo na natabasan ng damo, malinis ang kapaligiran, maayos ang pagkakahilera ng iyong mga tanim, umalis ka nang mahabang panahon, pagbalik mo, makikita mong naging masukal na ang bukid, tinubuan ng mga tinik at mapinsalang halaman, natumba ang ilang punong kahoy, at sinalanta ng bagyo at hayop ang ilang halaman.  Hindi kailanman maaaring mangyari na iiwan mo ang bukid mo nang magulo, at pag-alis at pagbalik mo, masusumpungan mong kusang naging maayos, malinis, at matuwid ang pagkakatanim ng mga halaman at punong-kahoy.

Iyan ang batas ng entropy.  Ang lahat ng bagay ay nagsisimula sa maayos at nagiging magulo paglipas ng panahon.  Kung ang magulo ay biglang naging maayos paglipas ng panahon, iyon ay dahil sa may matalinong tagadisenyo at tagagawa ng kaayusan.

Ganoon din ang sansinukob (universe).  Makikita nating may kaayusan.  Ang mga planeta ay umiikot sa araw at ang mga buwan ay umiikot sa mga planeta.  Ang layo ng ating sanlibutan sa araw ay tamang-tama ang distansiya para magkaroon ng buhay.  Kung ang sanlibutan ay naging mas malapit o mas malayo sa araw, hindi magkakaroon ng buhay.  Gayon din, ang buwan ay tamang-tama ang layo mula sa ating sanlibutan. Kung lumapit o lumayo ang buwan, magkakaroon ng grabeng mga baha at sakuna sa ating mundo na hindi mananatili ang buhay.

Isa sa pinakadakilang siyentipiko ay si Isaac Newton. Humanga siya sa kaayusan ng sansinukob dahil sa maayos na pagkilos at pag-ikot ng mga mga bagay.  Sa ating solar system, ang sanlibutan at ibang planeta ay umiikot sa araw at ang mga buwan ay umiikot sa mga planeta.  May mga kasamahan si Isaac na kapwa-siyentipiko na atheist (‘di naniniwala na may Diyos) o agnostic (hindi makasiguro na may Diyos).  Habang pinagmamasdan ni Isaac ang kaayusan ng solar system sa isang telescope, nabulalas niya, “Napakadakila at napakatalino ng Diyos na Maylikha.”  Sumagot ang mga  kasamahan niya, “Walang Diyos na Maylikha.  Ang lahat nang nakikita mo ay nangyari sa pamamagitan ng isang aksidente.”

Hindi umimik si Isaac.  Subalit gumawa siya ng isang laruang modelo ng solar system na gawa sa mga plastic at alambre.  May susi ito.  Kung sususian mo, iikot ang mga laruang planeta sa laruang araw, at iikot ang mga laruang buwan sa mga planeta.  Pagbisita ng kanyang mga kasamahan at nakita ang modelong ginawa niya, namangha sila at nagtanong, “Isaac, napakaganda nito.  Eksakto ang kilos at ikot ng mga planeta at buwan, kagaya ng ating solar system.  Saan nanggaling ito?”  Sumagot si Isaac, “Walang pinanggalingan iyan.  Pagkagising ko, bigla na lang nandiyan na iyan.”  Sumagot ang mga siyentipiko, “Huwag kang magbiro, Isaac.  Hindi puwedeng basta bigla na lamang magkakaroon ng modelong ito.”  Sumagot si Isaac Newton:

“Ito ay isa lang maliit na kopya ng mas dakilang sistema na ang mga nakahahangang batas ay nalalaman ninyo, at hindi ko kayo makumbinsi na itong mumunting laruan ay walang taga-disensyo o tagagawa; subalit sinasabi niyong ang dakilang orihinal na kinopya ko ay nangyari nang walang taga-disenyo o tagagawa?  Sabihin ninyo nga sa akin, anong klaseng pangangatwiran mayroon kayo na naging ganyan ang pag-iisip niyo?” Ang Diyos na Maylikha ng kaayusan ang pinagmumulan ng lahat ng kayamanan.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)