ANG BUWAN ng Disyembre ay nagsimula na, at hindi kaila sa ating mga kapatid sa Romana Katolika na ito ay isa sa mga pinakaaabangang okasyon ng taon. Naglipana na ang mga parol, Christmas tree at iba’t ibang mga dekorasyon na sumisimbolo ng pagsilang ni Hesukristo. Hindi rin bago sa atin na sa tuwing sasapit ang Pasko, nakagawian na ang pangangaroling ng mga bata man o matatanda, ngunit minsan nagkakaroon ng aksidente na makagat ng aso (at pati na rin ng pusa), at isa sa kinatatakutan na sakit na kaakibat nito ay ang rabies.
Ang rabies ay isang sakit na sanhi ng virus na karaniwang humahawa sa aso at ito ay naglalagi sa laway ng nahawaang hayop. Ito naman ay naibibigay sa tao sa pamamagitan ng kagat o kalmot. Ang interval sa pagitan ng pagkahawa at pagkakita ng senyales ng infection ay simula 1 hanggang 3 buwan. Minsan ito ay nagmamanipesto ng mabilis (9 na araw) at minsan ay tumatagal ng anim na taon bago makitaan ng sintomas o senyales ng pagkahawa. Ang katagalan ng interval na ito ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa tao, sapagkat ito ay maaaring balewalain at kapag nagpakita na ng senyales ng pagkahawa ng rabies, maaaring huli na ang lahat.
Ilan sa mga maagang sintomas at senyales nito ay lagnat, sakit ng ulo, at pamamanhid ng lugar kung saan nakagat o nakalmot. Kapag ang rabies ay umabot na sa utak at nagdulot na ng pamamaga, ito ay nangangahulugan na grabe na ang impeksiyon. Ilan sa mga ito ay hydrophobia at pagkahirap sa paglunok ng tubig kahit uhaw na uhaw na, paranoia, pagkalito, guni-guni at pagkabalisa. Ito ay maaaring magdulot ng deliryo at koma sa pasyente, at maaaring ikamatay, 2 hanggang 10 araw, simula nang makitaan ng mga maagang senyales ng impeksiyon.
Ang sakit na rabies ay maaaring ma-prevent sa pamamagitan ng pagbabakuna ng ating mga alagang aso, pagtali upang hindi sila pakalat-kalat sa labas ng bahay at wastong pag-iingat kung may mga bumibisita sa ating mga tahanan upang sila ay hindi makagat nito. Dahil ang rabies ay maaaring makuha ng ating alagang aso sa pamamagitan ng pagkagat din ng kanyang kapwa aso na nahawaan nito, isa sa pinakaepektibong paraan ay ang pagbabakuna ng ating mga alagang aso simula sa edad na tatlong buwan pataas, na ibinibigay naman ng ating mga Veterinarian isa kada taon.
Ang batas na Republic Act 9482 o ang “Anti-Rabies Act of 2007”, ay nagbibigay sa Pet Owners ng responsibilidad na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso laban sa rabies, itali ang kanilang aso kapag nilalabas ng bahay, paliguan ang kanilang mga alagang aso, iparehistro ang kanilang mga alagang aso at ang record ng bakuna nito laban sa rabies, i-report ang aksidente ng pagkagat ng kanilang mga alaga sa awtoridad, at i-assist ang mga nakagat ng kanilang alagang aso para malapatan ng pangunahing lunas at sagutin ang medical expenses na kakailanganin ng taong nakagat.
Ang Pet Owners na tumanggi para pabakunahan ang kanilang alagang aso at irehistro ito ay maaaring mabigyan ng Penalty na 2000 Pesos, at kung ito ay makakagat ng tao, ang Pet Owner ay may obligasyon upang sagutin ang bakuna at medical expenses ng taong biktima.
Ang Rabies Vaccine sa tao ay maaaring ibigay sa mga palagiang exposed sa mga aso, katulad ng mga Veterinarian at mga taong tagapag-alaga ng mga aso, ang tawag dito ay Pre-Exposure Prophylaxis. Kung ang tao naman ay nakagat o nakalmot ng aso, may bakuna sa rabies man o wala, ang pina-kaimportante na gawin dito ay linisan at sabunin ang apektadong parte ng katawan at lagyan ng 70 percent alcohol o Povidone Iodine. Ang kagat o kalmot ng aso ay may kategorya, at depende dito upang masabi kung anong klase ng bakuna at ilan ang dosage ang kailangang ibigay sa tao, kaya napaka-importante na dalhin ang nakagat sa malapit na Animal Bite Centers sa inyong lugar.
Kung may katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fanpage na medicus et legem sa facebook.
Comments are closed.