ANTI-HOSPITAL DETENTION, ANO NGA BA ANG BATAS NA ITO?

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Ang karapatan ng isang pasyente ay may kaakibat na karapatan ng isang pribadong ospital bilang isang negosyo at ng doktor bilang isang taong may pangangailangang pinansiyal. May karapatan ang isang pasyente para maiwasan ang pang-aabuso, sa parte naman ng isang pribadong ospital ito ay nararapat ding mag-survive bilang isang negosyo na may pinapasuweldong tao, may binabayarang bills at pagbalik ng kanilang napundar, at sa parte naman ng isang doktor, sila rin ay naggagasolina, kumakain, napapagod at may binubuhay na pamilya.

Paano nga ba masasabi na sumusobra na ang isang ospital at doktor? At ano ang boundary ng karapatan ng isang pasyente, karapatan ng isang pribadong ospital at karapatan ng isang doktor?

Ang lehislatibo ay may kapangyarihang bumuo ng isang batas para ang karapatang ito ay maproteksiyonan at isa sa mga batas na ito ay ang RA 9439 na kilala sa tawag na ANTI-HOSPITAL DETENTION LAW.

Ang titulo nito ay tila nasasakupan na ang lahat at minsan, maaaring magkaroon ng maling paniniwala sa mga probisyon nito.

Bigyan natin ng isang halimbawa: may isang pasyente na naka-recover sa stroke sa isang private room ng pribadong ospital at nabigyan ng discharge order ng doktor. Ibig sabihin ay maaari na siyang makauwi. Ang normal na proseso sa pribadong ospital ay ang magbigay ng bill upang bayaran ng isang pasyente dahil sa serbisyong ibinigay rito.

Ang asawa ng naka-recover na pas­yente na ang trabaho ay isang seaman ay handang magbayad sa bill ngunit ang dala niyang pera ay US Dollars. Ang polisiya ng lahat ng ospital ay magba­yad sa ating currency, kaya sinabi ng billing section na kailangan niyang papalitan ang kanyang pera.

Habang naglalakad siya ay nakita niya sa isang balita na may batas na anti hospital detention, kaya siya ay kumaripas ng takbo sa ospital at sinabi sa billing section na hindi nila maaaring i-hold ang kanyang asawa ng dahil sa naturang batas at magsasampa siya ng demanda kapag hindi ito natugunan.

Sa halimbawang ito, ang pinakaimportante ay malaman natin kung ano nga ba ang nilalaman ng nasabing batas at may karapatan nga ba ang asawa ng pasyente na gamitin ito?

Tulad ng karamihang batas na penal, importante na makuha ang lahat ng requisites nito para masabi na­ting hinog ang ating reklamo.

Ang RA 9439 ay may mga requisito at kung may kulang dito, ito ay hindi mo puwedeng gamitin bilang isang kasong legal. Ang mga requisitong ito ay ang mga sumusunod:

  1. Ang pas­yente ay naka-recover sa kanyang sakit buo man o partial, at maaari itong malaman kung may discharge order na ang isang doktor.
  2. Ang pasyen­te ay nagbigay na ng kanyang kagustuhan na makaalis sa ospital.
  3. Ang pasyen­te ay may problema o kakulangang pinansiyal para mabayaran ang kanyang hospital bills at professional fee ng kanyang doktor.
  4. Ang pasyen­te ay gumawa ng promissory note na may kasiguraduhan ng isang tao bilang guarantor o mortgage o pagsasanla ng isa sa kanyang ari-arian.
  5. Ang pasyente ay hindi na-admit sa isang pribadong kuwarto.

Lahat ng mga ito ay dapat na mayroon at doon pa lamang magagamit ang batas.

Sa halimbawang nabanggit, maliwanag na ang asawa ng pas­yente ay walang kakulangang pinansiyal,  at ang kanyang asawa ay na-admit sa isang private room,  dito pa lamang ay hindi na magagamit ang batas na Anti- Hospital Detention.

Ngunit ibigay natin ang argumento na siya nga ay may kakulangang pinansiyal at hindi siya na-admit sa private room, maaari na ba niyang gamitin ang batas na nabanggit? Ang sagot dito ay isang maliwanag na hindi. Sa requisites ng batas, kailangan pa rin niyang gumawa ng promissory note na may mga seguridad.

Ang batas na Anti-Hospital Detention ay hindi absolute, ibig sabihin ay mayroon pa ring mga sitwasyon na maa­aring i-detain o i-hold ang isang pasyente ng isang hospital, ang mga ito ay napapaloob sa ruling ng Supreme Court sa kasong Manila Doctors Hospital vs Chua and Ty G.R. NO. 150355 : July 31, 2006, at ito ay ang mga sumusunod

  1. Kapag ang isang pasyente ay may nakahahawang sakit at maaaring magdulot ng pagkahawa o kapahamakan sa publiko.
  2. Kapag ang isang pasyente ay isang detained o convicted prisoner at may kaukulang court order para ma-detain sa isang ospital ng dahil sa isang sakit.
  3. Kapag ang isang pasyente ay baliw o may problema sa pag-iisip at maaaring magdulot ng kapahamakan sa publiko kapag hindi ito na-detain sa isang ospital
  4. At iba pang mga kaso na maa­aring ibigay ng batas.

Kung may katanungan, maaari po kayong mag-email sa [email protected] o magmensahe sa fanpage na medicusetlegem – Dr Samuel A. Zacate.

Comments are closed.