(Apela ng Kamara sa DOTr)100% RFID TOLL COLLECTION MADALIIN

NLEX TOLL

Sa House Resolution No. 159 na inihain nina Marcos at Martinez, gayundin ng iba pang mambabatas na kinabibilangan nina Caloocan City 3rd Dist. Rep. Dean Asistio, Parañaque City 1st Dist. Rep. Edwin Olivarez, Cavite 1st Dist. Rep. Ramon ‘Jolo’ Revilla III at Caloocan City 1st Dist. Rep. Oscar Malapitan, binigyang-diin nilang “long overdue” na ang nasabing proyekto.

Ayon kay Martinez, ang patuloy na pagkaantala ng Toll Interoperability Project ay nagdudulot ng malaking abala o perwisyo sa publiko, partikular sa hanay ng mga motoristang bumibiyahe sa iba’t ibang tollway roads.

Nabatid na taong 2017 nang ilunsad ng DOTr ang proyekto kung saan nagkaroon ang ahensiya ng oportunidad na maayos na maipatupad ito sa pag-iral ng COVID-19 pandemic.

Matatandaan na bilang bahagi ng health protocols o hakbanging maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus, iniutos ang pagpapatupad ng ‘cashless’ o ‘no contact transactions’ sa pagbabayad sa lahat ng toll plaza.

Kaya naman noong January 11, 2021, itinakda ng DOTr ang deadline para sa lahat ng may-ari ng mga pribado at pampublikong sasakyan na magpakabit ng RFID sticker.

Subalit dahil may magkaibang toll operators, kinakailangan pang magpalagay ng AutoSweep at Easytrip RFID stickers ang mga motor vehicle owner.

Giit ni Martinez, sa ilalim ng Phase 2 ng Toll Interoperability Project, papayagan pa rin ang dalawang RFID wallets na parehong magagamit sa alinmang toll expressway at ang Phase 3 naman ay ang pagkakaroon lamang ng iisang RFID sticker para sa lahat ng toll payment booths.

“Mahigit isang taon na ang nakalipas nang simulan ang Phase 1 ng proyektong ito. Kaya naman nanawagan po tayo sa DOTr na madaliin ang full implementation ng kanilang Toll Interoperability Project. Simple, fast and convenient, iyan po ang pamantayan na ating isinaalang-alang sa paghahain ng House Resolution No. 159… One RFID ngayon na!” dagdag pa ni Martinez.

ROMER R. BUTUYAN