HINILING ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na alisin na ang deployment ban sa mga manggagawa sa Saudi Arabia.
Sa isang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng DOLE noong Huwebes, nanawagan ang mga OFW kay Labor Secretary Silvestre Bello III na payagan nang makaalis ulit ang mga nais na magtrabaho sa Saudi.
Anila, dapat na respetuhin ni Bello ang desisyon ng kalihim ng bagong tatag na Department of Migrant Workers na pumapayag na makabalik sa Saudi ang mga Pinoy worker.
Magugunitang iniutos ni Bello ang pagpapatupad ng deployment ban sa Saudi noong nakaraang Nobyembre sa harap ng hindi umano pagbabayad ng sahod ng mga Pinoy na nagtatrabaho roon.