UMAAPELA ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) sa mga survivor ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mag-donate ng convalescent plasma na ginagamit nila upang makatulong sa posibleng paggaling ng mga pasyenteng dinapuan ng virus na SARS-COV-2, na siyang nagdudulot ng naturang karamdaman.
Kasunod na rin ito ng kakulangan na ng suplay sa convalescent plasma ng PGH, na isa sa mga referral facilities ng pamahalaan para sa COVID-19 cases.
Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, sa ngayon ay nagsasagawa sila ng clinical trial para sa convalescent plasma bilang panlunas laban sa COVID-19.
Gayunman, wala na silang convalescent plasma dahil wala nang survivors na nagdo-donate nito.
“Unfortunately, wala na po kaming convalescent plasma kasi wala na pong nagdo-donate. So nananawagan po kami,” ani del Rosario, sa panayam sa radyo.
“Sa dami po ng survivors na nakikita ko sa Department of Health (data), naiisip ko nasaan po sila… Sana po mag-donate po kayo dahil ma-laking tulong po sa ating mga kababayan na may COVID-19,” panawagan pa niya.
Aminado naman si del Rosario na may ilang survivors ang ayaw nang bumalik pa sa pagamutan dahil sa pangambang dapuan ulit ng karamdaman.
Kaagad namang nilinaw ni del Rosario na walang dapat na ikatakot ang mga ito dahil ang blood donation naman ay isinasagawa sa isang pribadong lugar at hindi sa mismong pagamutan.
Sinabi pa ni del Rosario na ang mga nais na mag-donate ng plasma ay maaaring kumontak sa PGH, sa pamamagitan ng kanilang hotline na 155-200.
Kasabay nito, iniulat rin ni del Rosario na karamihan sa 30 pasyente ng COVID-19 na nasa malala at kritikal na kondisyon dahil sa virus at tumanggap ng convalescent plasma ay nakitaan nila ng paghusay ng kalagayan.
Ayon kay del Rosario, habang ipinagpapatuloy nila ang trial sa paggamit ng plasma ay unti-unti na rin nila itong ibibigay sa mga pasyenteng itinuturing na nasa moderate cases dahil inaasahang mas magiging maganda ang resulta nito kung mas maaga itong maibibigay sa mga pasyente.
“Hindi po masyadong maganda ang result ng convalescent plasma sa mga critical cases. Mas maganda na maaga ito maibigay,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.