NAIS ni Senador Win Gatchalian na gumawa ng hakbang ang Energy Regulatory Commission ( ERC) sa inaasahang paglobo ng babayarang koryente matapos ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Dahil pinalawig pa ang ECQ, nangangamba si Gatchalian na maputulan ng koryente ang mga ordinaryong mamamayan, partikular ang mga kabilang sa tinatawag na “marginalized sector” dulot na rin ng kawalan ng kakayahan ng mga ito na bayaran ang dalawang buwang electricity bill.
Kaya hiling ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, sa ERC na maghanap ng solusyon kung paano mapagagaan ang pagbabayad ng mga consumer sa kanilang koryente.
“Dahil nga marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakapagtrabaho ngayon, lalo na ‘yung mga ‘no work, no pay’, ang panawagan natin sa ERC ay gumawa ng hakbang para hindi sila maputulan ng koryente,” anang senador.
Kasabay nito, umapela si Gatchalian sa Meralco na pansamantalang i-waive ang convenience fee upang mabayaran ng mga consumer ang kanilang electricity bill sa pamamagitan ng mobile app ng kompanya nang walang extra charges.
Nauna rito, inihayag ng Meralco na ang mga consumer na magbabayad sa pamamagitan ng mobile app ay kinakailangang magbayad din ng karagdagang P47 convenience fee.
“For humanitarian reasons, let’s think of ways that will make the lives of our kababayans better and alleviate their suffering as we face this pandemic,” ani Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.