KINUKUMBINSE ngayon ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang mga ahensiya ng gobyerno na i-rehire o i-renew ang job contracts ng libo-libong casual at contractual employees sa burukrasya.
Aabot, aniya, sa 700,000 casual at contractual employees ang napaso na ang kontrata sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang employment contracts ng mga kawani ng pamahalaan na ito ay nag-expire na nito lamang Disyembre 31, 2020.
Giit ni Defensor, dapat na i-hire muli ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga casual, contractual, o job-order (JO) personnel at huwag nang dumagdag ang gobyerno sa kawalan ng trabaho sa bansa at sa paghihirap ng mga tao ngayong pandemya.
Hinikayat ng kongresista ang Kamara na manguna at maging halimbawa sa rehiring ng mga casual at contractual employees.
Tinukoy pa ng mambabatas na mahalaga ang trabahong ginagampanan ng mga contractual, casual at JO employees sa pamahalaan lalo pa’t pinupunan nila ang mga bakanteng posisyon at tumutulong din sa workload ng mga regular personnel.
Bukod dito ay may sapat aniyang pondo na inaprubahan ngayong taon para sa kompensasyon sa patuloy na employment ng mga casual at contractual employees sa pamahalaan. CONDE BATAC
Comments are closed.