(Apela sa gobyerno)OFWs NA NASA DEATH ROW ISALBA

ofw

HINIMOK ni House Committee on Overseas Workers Affairs chairman at Kabayan Party-List Rep. Ron Salo ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas, partikular ang nakasasakop sa Muslim countries, na gamitin ang panahon ng Ramadan para maisalba mula sa parusang pagkakabilanggo o kamatayan ang mga Pinoy worker doon.

Kasabay nito, iminungkahi ng Kabayan party-list lawmaker sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na tumulong sa nabanggit na hakbangin sa anumang kaparaanang kaya nito.

“Ramadan, which begins on March 22, is a time of mercy and compassion. It is an opportune time for Muslim majority countries to exercise these virtues by showing leniency to Filipinos who are incarcerated,” pagbibigay-diin ni Salo.

“We have to exhaust all means to save the lives and reclaim the liberties of our overseas Filipinos. Let us appeal to the merciful hearts of our Muslim brothers and sisters in this holy month of fasting,” giit pa ng kongresista.

Sinabi ni Salo na base sa report ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kabuuang 83 Pinoy ang nasa death row sa iba’t ibang bansa, kung saan 56 ang nasa Malaysia; anim sa United Arab Emirates (UAE); lima sa Saudi Arabia; isa sa Indonesia, ang kaso ni Mary Jane Veloso; at 15 sa Bangladesh, China, Vietnam, USA, Japan at Brunei.

Bukod dito, 1,267 overseas Filipinos din ang kasalukuyang nakadetine, kung saan 914 sa mga ito ay nasa Middle Eastern countries; 321 sa Asia Pacific; 23 sa Europe; 5 sa America; at 4 sa Africa.

Ayon kay Salo, may mga pagkakataon na ang mga lider ng Muslim majority countries ay naggagawad ng pardon o pagpapababa ng sentensiya sa ilang bilanggo kapag panahon ng Ramadan.

“In previous years, heads of state in both Saudi Arabia and Yemen have marked the Islamic holy month of Ramadan by extending clemency to prisoners under sentence of death by granting pardons or commuting their sentences through the intercession of our embassies. In 2018, The Emir of Qatar has given a royal pardon to 25 Filipinos who were charged with various offences in his country in a gesture marking the end of the holy Muslim month of Ramadan,” ayon pa sa mambabatas.

Kaya naman hiniling niya sa Philippine embassies, sa pakikipagtulungan ng NCMF, na gumawa ng kaukulang hakbang para matulungan ang mga nakakulong na Pilipino na mailigtas sa mabigat na kaparusahan o kaya’y ganap na mapalaya mula sa pagkakasadlak sa dayuhang piitan.

“I hope that this call to action will be heeded by Philippine embassies around the world, and that the government of Muslim majority countries will show mercy and compassion towards Filipinos during this holy month of Ramadan,” dagdag pa ni Salo.

ROMER R. BUTUYAN