APPENDICITIS AT ANG MGA KASABIHANG FILIPINO

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Noong bata pa lamang ako ay madalas na ako makatikim ng pangaral sa aking nanay, na iwasan ang pagtakbo agad-agad pagkatapos kumain, dahil daw baka magkaroon ng appendicitis. Malamang isang beses sa ating buhay  ay nakarinig ng kasabihang tulad nito. Maa­aring tayo ay maniwala at nang magkaroon ng anak ay naibigay natin ang impormasyong ito sa kanila.

Ngunit ano nga ba ang kaugnayan ng mga kasabihang ito at gaano ito katotoo na maaaring magdulot ng sakit na appendicitis? Bago ko po ito sagutin, mainam na talakayin muna natin ang mismong sakit na appendicitis.

APPENDICITIS

May iba’t ibang klase ng sakit ng tiyan. May tinatawag tayong Surgical Abdomen o ‘yung nagagamot lamang sa pamamagitan ng operasyon at mayroon din naman tayong tinatawag na Non-Surgical Abdomen o ‘yung nalulunasan lamang sa pag-inom ng gamot.

Ang appendicitis ay isang Surgical Abdomen na walang ibang lunas kundi ang isang operasyon. Ito ay mula sa pamamaga ng appendix na matatagpuan sa ibabang kanang bahagi ng ating tiyan. Ang pakinabang ng appendix sa isang tao ay hindi pa matukoy ngunit ito ay nakakitaan ng lymphatic nodes na maaaring may kaugnayan sa ating immune system na nagpoprotekta ng ating digestive tract.

Ang dahilan ng  pamamaga ng ating appendix ay hindi pa matukoy. Mayroong mga pag-aaral na iniuugnay ito sa obstruction ng  microfeces (mga maliliit na dumi) at pamamaga ng kulani na nasa loob ng appendix, ngunit ito ay hindi pa rin tuluyang mapatunayan sa nga­yon. Ilan naman sa mga kasabihan nating mga Filipino na dahilan ng appendicitis ay walang kaugnayan o hindi pa napatutunayan sa ngayon gaya ng mga sumusunod:

  1. Pagligo sa malamig na tubig pagkatapos kumain
  2. Pagtakbo pagkatapos kumain
  3. Pagpigil ng pagdumi
  4. Pagkain ng mga prutas na may mali­liit na buto na maaaring bumara sa appendix

SINTOMAS NG APPENDICITIS

Ang mga sintomas at senyales ng appendicitis ay maaaring maihalintulad sa ibang sakit sa tiyan tulad ng Gall Stones, Kidney Stones, Diverticulitis, Urinary Tract Infection,  Pancreatitis at Ectopic Pregnancy sa mga babae.

Kailangan ng masu­sing diagnostic procedure at obserbasyon ng isang surgeon, para ma-rule out muna ang mga sakit na nabanggit upang masabing may appendicitis. Ang tuloy-tuloy na pagsakit ng tiyan, na nagmumula sa paligid ng ating pusod o sikmura at naglalaong lumilipat sa babang kanang bahagi ng tiyan ay isa sa mga “Classic Sign” ng sakit na appendicitis. Sa ibang pagkakataon naman, maaari ring makakitaan ang mga pasyente ng kawalang ganang kumain, pagsusuka, lagnat at pagiging matamlay.

Ang sakit na ito ay walang pinipili, matanda o bata, babae o lalaki, at maski ano mang lahi. Isa sa komplikasyon ng sa­kit na appendicitis ay ang pagputok nito na sanhi ng build up ng pressure mula sa pamamaga. Ang dumi na nagmumula sa pumutok na appendix, kumakalat sa  loob ng ating tiyan at maaring magdulot ng Peritonitis, at kalaunan dahil sa malalang impeksiyon ay maaaring kumalat sa ating dugo na nagiging sanhi ng Sepsis na siya namang maaaring magdulot ng pagkamatay ng taong apektado nito.

Ang pinakamai­nam na paraan upang maiwasan ang komplikasyon ng appendicitis ay ang pagkonsulta sa doctor kung mayroong nararamdaman o napapansing mga sintomas at senyales na nabanggit, at huwag itong balewalain.

Kung mayroon pong katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fanpage na medicus et legem sa facebook at mag-comment.

Comments are closed.