(Aprub na sa Senado) CASH GIFT SA 80-, 90-ANYOS

cash gift

MALAPIT nang makatanggap ng cash gift na P10,000 at P20,000 ang mga Pilipino na umabot sa 80- at 90-anyos, ayon sa pagkakasunod, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ito’y makaraang aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2028 na layong palawakin ang saklaw ng Centenarians Act of 2016 na kasalukuyang nagbibigay ng P100,000 sa mga Pilipinong umabot sa edad na 100.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging ang mga umabot sa edad na 100 ang nakikinabang sa P100,000 cash gift.

Ang naturang panukala ay nagsasaad na ang mga benepisyaryo ay karapat-dapat na tumanggap ng kanilang cash gift sa loob ng isang taon mula sa araw na umabot sila ng 80, 90, at 100 taong gulang.

Ayon kay Gatchalian, co-author ng panukalang batas, pambihira ang umaabot ng 80, 90, o kahit 100 taong gulang, kung kaya hindi kaunti lamang ang mga Pilipino na makatatanggap ng mga benepisyong nakasaad sa “Act Recognizing The Octogenarians, Nonagenarians, And Centenarians”.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 7.5 milyong senior citizens sa bansa noong 2015 at humigit-kumulang 10% o 790,000 ang tinatayang nasa edad 80 hanggang 90.

“Sa wakas, pati ang mga lolo’t lola natin na umabot ng 80 o hanggang 90 years old ay mabibiyayaan na rin ng regalo na maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at habang naghihintay sila ng mas malaking regalo pagdating nila ng 100 years old,” ani Gatchalian.

-VICKY CERVALES