APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang magpapadali sa proseso ng pagbabayad ng buwis at magpapalakas sa karapatan ng mga taxpayer.
Sa ilalim ng Senate Bill 2224 o ang Ease of Paying Taxes Act, na iniakda ni Sen. Win Gatchalian, magtatatag ng isang sistema na mangangasiwa sa mga buwis na hihikayat sa taxpayers na magbayad ng tamang buwis. Layon din nitong mapahusay ang proseso ng pangongolekta ng buwis na magpopondo sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan.
“Mahalaga na maisabatas kung paano natin mapagagaan ang proseso para sa ating mga taxpayers dahil sa kanila nanggagaling ang pondo na kailangan natin para matupad ang mga programa para sa ikauunlad ng bansa,” ani Gatchalian.
Ang panukalang batas, kapag naisabatas na, ay magpapakilala ng mga administratibong reporma na magpapasimple sa tax compliance at magpapalakas sa mga karapatan ng taxpayers sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang mga probisyon ng National Internal Revenue Code ng 1997.
Ang naturang panukala ay naglalayong baguhin ang kasalukuyang proseso ng paghahain ng tax return at pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagbibigay ng flexibility sa taxpayers sa pag-file ng kanilang income tax returns at pagbabayad sa anumang Revenue District Office (RDO), o anumang awtorisadong bangko, ito man ay nasa hurisdiksiyon o hindi ng RDO kung saan nakarehistro ang taxpayer.
Ayon kay Gatchalian, dapat pahintulutan ang mga taxpayer na bayaran ang estate tax at donor’s tax sa kahit na anong RDO upang hindi na nila kailangan pang maglakbay ng malayong distansiya para lang matupad ang kanilang obligasyong magbayad ng buwis.
Panghuli, ang panukala ay magbibigay-daan din upang maisaayos ang paggamit ng digital filing at pagbabayad sa pamamagitan ng anumang accredited channel o platform. Binigyang-diin ni Gatchalian na ang digitalization ng paghahain ng tax returns at pagbabayad ng buwis ay inaasahang magiging madali at mas maginhawa para sa mga taxpayer na tuparin ang kanilang mga obligasyon.
-VICKY CERVALES