APRUBADO na sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P5 billion para sa rehabilitasyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isang statement, sinabi ng DBM na inaprubahan nito ang Special Allotment Release Order na nagkakahalaga ng P5 billion para sa Special Development Fund (SDF) ng Bangsamoro.
Ayon sa DBM, dapat ipagkaloob ng national government ang SDF na P5 billion taon-taon sa loob ng 10 taon “para sa rebuilding, rehabilitation at development ng conflict-affected communities.”
“Patuloy po ang DBM na aalalay sa BARMM sa abot ng aming makakaya. We will ensure that we will help in its smooth transition process and strengthening its communities,” wika ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sa pagtaya ng pamahalaan, ang Marawi Siege na tumagal ng 5 buwan noong 2017 ay nagdulot ng malaking pinsala sa rehiyon at ng pagkawala ng tinatayang P17 billion na mga ari-arian at oportunidad.
Tinaya ng Task Force Bangon Marawi noong 2018 na ang rehiyon ay nangangailangan ng hindi bababa sa P49.8 billion para sa restoration.
Ayon sa DBM, ang alokasyon ay ipalalabas ng Bureau of the Treasury sa BARMM government sa pamamagitan ng isang authorized government servicing bank, subject sa cash programming ng national government.