(Aprub sa DBM)P1.4-B PARA SA ‘LIBRENG SAKAY’

Sa isang press statement, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na inaprubahan ng ahensiya ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang Notice of Cash Allocation (NCA) para ma-cover ang karagdagang funding requirements para sa pagpapalawig ng Service Contracting of Public Utility Vehicle (PUV) Program.

“Ito pong paglagak natin ng additional funds ay suporta natin sa hangad ni President (Ferdinand) Marcos (Jr.) na i-extend ang programang Libreng Sakay ng Department of Transportation at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board hanggang Disyembre,” aniya.

Ang extended free bus ride program ay nakatakdang magtapos noong July 31, subalit inanunsiyo ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang unang araw sa Palasyo, ang pagpapalawig hanggang Disyembre ngayong taon.

“Malaking tulong at ginhawa po ang Libreng Sakay sa bulsa ng mga commuter, lalo na para sa mga estudyante at mga kabilang sa labor force,” ani Pangandaman.

Ang programa ay magbibigay benepisyo sa hanggang 50 million ridership mula Sept. 1 hanggang Dec. 31.

Makikinabang din dito ang may 628 units ng onboarded public utility buses (PUBs) sa EDSA Busway Route sa Metro Manila dahil magbibigay ito ng financial support sa transport service providers sa pamamagitan ng performance-based payouts.

“Magiging malaking tulong po ito sa kabuhayan ng mga driver ng EDSA Busway na hanggang ngayon ay bumabangon mula sa epekto ng pandemya, at apektado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina ,” dagdag pa niya.

Ang free bus ride program ay ipinatupad upang matiyak ang episyente at ligtas na operasyon ng public transportation sa ilalim ng ‘new normal’.

Pinagagaan din nito ang financial burden sa mga consumer na labis na naapektuhan ng tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

PNA