(Aprubado na sa Senado) PINAIGTING NA PROTEKSIYON SA ONLINE CUSTOMERS

online

INAASAHANG magtatamasa ng mas mahusay na proteksiyon kapwa ang online customers at online merchants sa kanilang mga transaksiyon ngayong malapit nang maisabatas ang Senate Bill No. 1846 o ang Internet Transactions Act.

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang naturang panukalang batas na layong tugunan ang ilang mga kawalan ng katiyakan na nararanasan sa pagbebenta o pamimili sa online. Ang panukala ay magbibigay ng mabisang regulasyon para sa proteksiyon ng mga konsyumer sa business-to-business at business-to-consumer na mga transaksiyon sa internet.

“Importante na mapalakas ang kumpiyansa ng ating mga mamimili pati na rin ang mga maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na proteksiyon sa pagpasok sa iba’t ibang internet transactions dahil susi ito sa pagpapalago ng ekonomiya,” wika ni Senador Win Gatchalian.

Dagdag niya, kapag naisabatas ang naturang panukala ay matutugunan ang kawalan ng katiyakan na kadalasang kinakaharap ng mga mamimili at mga negosyo sa online upang matiyak ang isang mas ligtas na pamimili sa online. Ang panukala ay sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Marcos.

Ang panukala ay naglalayong isulong at mapanatili ang isang matatag na kapaligiran para sa e-commerce ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa pagitan ng mga negosyante sa online at ng mga mamimili, pagkilala sa halaga at potensyal ng digital na ekonomiya, at ang pangangailangang magtatag ng ligtas at maaasahang mga plataporma para sa e-commerce, ayon kay Gatchalian, isa sa may-akda ng panukala.

Ayon sa kanya, inilalatag ng panukala ang mga karapatan, obligasyon, at pananagutan ng mga partido sa mga transaksiyon sa internet, kabilang ang mga mamimili at negosyante sa online kabilang ang digital platform o e-marketplace.

Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng mga naaangkop na aksiyon bilang tugon sa anumang paglabag sa mga probisyon ng batas, partikular sa paggamit ng internet para sa pagsasagawa ng e-commerce ng mga e-marketplace, online merchant, e-retailers, mga digital na platform, at mga third-party na platform.

Daan din ito upang makapagtatag ng mekanismo ng online na magreresolba sa mga hindi pagkakaunawaan ng mga stakeholder sa mga transaksiyon sa internet o e-commerce.

“Kailangan nating siguraduhin na maisasabatas ang isang regulasyon para sa mga online na transaksyon sa internet upang matiyak na may sapat na proteksyon ang mga mamimili at mga negosyante na gumagamit ng internet sa pagbili at pagbebenta ng iba’t ibang mga kalakal at serbisyo,” diin ni Gatchalian.

Inaprubahan ng mababang kapulungan ang sarili nitong bersyon ng panukala noong Disyembre ng nakaraang taon.

VICKY CERVALES