AVIGAN CLINICAL TRIAL ‘DI PA NASISIMULAN-DOH

Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin nasisimulan ang clinical trials para sa anti-flu drug na Avigan bilang posibleng lunas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, dapat sana ay noong  Agosto 17 pa sinimulan ang trial sa Avigan ngunit hindi natuloy dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya na lang ng hindi pa naisasapinal na budget para dito.

Aniya, tinatalakay pa ng pamahalaan at  ng University of the Philippines – Manila ang budget para sa isasagawang clinical trials.

Ang Avigan ay ang anti-flu drug na nakitaan ng promising results bilang panlunas sa COVID-19 patients.

Sinuplayan na ng Japan ang Pilipinas ng naturang gamot para sa may 100 pasyente na lalahok sa clinical trials.

Ani Vergeire, bagaman nakakuha na ang Philippine General Hospital (PGH)  ng approval sa kanilang ethics committee para sa Avigan trials, ipinuproseso pa lamang ng tatlo pang ospital ang kanilang approval.

Bukod sa PGH kabilang din ang Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.

Gayundin, kinakailangan rin sa trials ang pag-apruba ng Food and Drug Administration.

Posible naman umanong masimulan naman ang clinical trial sa Avigan sa Setyembre 1. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.