MUNTINLUPA CITY – ARESTADO ang isang nag-AWOL (absent with out leave) na pulis sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Regional Special Operations Unit (RSOG) at Intelligence and Monitoring Group ng National Capital Region Police Office (IMEG-NCRPO) kamakalawa ng hapon sa lungsod na ito.
Ang suspek na kinilalang si ex-Patrolman Victor Salonga y Bustamante, 37, dating nakatalaga sa Southern Police District (SPD), ay iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar.
Sa pahayag ni Eleazar, dakong alas-2:45 kamakalawa ng hapon nang madakip si Salonga sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya.
Ayon kay Eleazar, nauna rito ay nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ni Salonga sa nabanggit na lugar kung kaya’t agad na nagkasa ng buy bust operation laban sa suspek.
Sinasabing nanghuhuli ng pusher si Bustamante at kanyang kinukumpiska ang shabu at kaniya naman itong ibinebenta.
Isa sa mga tauhan ng RDEU ang nagpanggap na buyer na bumuli ng halagang P6,000 na shabu kay Salonga at nang tanggapin nito ang marked money ay agad na dinakma ito ng mga operatiba na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.
Narekober sa posesyon ng suspek ang limang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000 at siyam na pirasong P1,000 bill, isang kalibre .9mm na kargado ng bala at ang ginamit na marked money na P6,000.
Base sa record ng pulisya, si Salonga ay pumasok sa serbisyo ng pagkapulis noong 2011 at nag-AWOL nito lamang Pebrero sa hindi pa malamang dahilan.
Kasong paglabag sa Section 5 at 11, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ni Salonga na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng NCRPO. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.