HABANG naghihintay ng kanyang pagkakataon para makapag-aral sa kolehiyo, sa halip na magsayang ng oras, minabuti niyang kumuha ng technical-vocational courses ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ito ang nagbukas ng maraming oportunidad at marating ang kanyang mga pangarap sa buhay.
Ganito inilarawan ni Frederick G. Ramos ang kanyang success story na kanyang napagtagumpayang abutin sa tulong ng TESDA.
Pagkatapos ng high school noong 2003, tumigil sa pag-aaral si Frederick dahil hindi kaya ng kanilang mga magulang na sabay-sabay silang pag-aaralin na magkakapatid sa kolehiyo.
Pagsasaka at agri-business ang pinagkakakitaan ng kanyang mga magulang sa lalawigan ng Masbate. Labing tatlo silang magkakapatid.
“Naging out of school youth ako after kong mag-graduate sa high school noong 2003. Dahil sunod-sunod kaming college, kaya give and take kami. Nakatapos naman kaming lahat sa kolehiyo,” paglalahad ni Frederick.
Taong 2005, habang naghihintay pa rin siya sa kanyang pagkakataon na makapasok sa kolehiyo, nakilala niya ang TESDA nang mag-alok ito ng iba’t ibang kurso sa kanilang lugar.
Nag-enroll siya sa kursong Defensive Driving and Auto Mechanics sa isang TESDA school sa lalawigan ng Masbate.
Sa taon ding iyon ang kanyang pagkakataon upang makapag-enroll sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Agriculture, na malaking katuparan sa kanyang ambisyon noong bata na maging isang agriculturist. Ito ay kanyang natapos noong 2009.
Pagka-graduate agad naman siyang natanggap sa Department of Education (DepEd) bilang high school teacher.
Habang nagtuturo, patuloy pa rin sa pagkuha ng iba’t ibang TVET courses si Frederick upang lalo pang mapalawak ang kanyang kaalaman sa kanyang napiling career.
Kumuha pa siya ng Agricultural Crops Production NC lll; Animal Production NC ll; Animal Production NC ll (Poultry-Chicken; Animal Production NC ll (Swine) Horticulture NC ll; at Organic Agriculture NC ll.
Holder din si Frederick ng Trainers Methodology Certificate 1 at National TVET Trainers Certificate l.
Aniya, napakalaking tulong sa kanya ang mga kinuha nitong mga tech-voc courses para mapabilis ang kanyang promotion sa kanyang trabaho.
Sa kasalukuyan, teacher siya sa Senior High School na may item na Teacher lll at TESDA trainer sa iba’t ibang qualification na kanyang natapos.
Dahil sa mga ipinakitang kagalingan at dedikasyon sa kanyang trabaho bilang guro at agriculturist, tumanggap si Frederick ng maraming pagkilala.
Siya ang itinanghal na 2018 Idol ng TESDA-Region V na may Trade Qualification: Agricultural Crops Production NC lll at naging nominee sa 2018 Idols ng TESDA,Wage-Employed Category sa national level.
Maliban dito, tumanggap din siya ng Certificate of Award for his Outstanding Performance as the School Focal Person of the 2016 Search for Division National Greening Program/Gulayan sa Paaralan Best Implementers; Certificate of Commendation as Most Inspiring Teacher 2016; at Plaque of Recognition as Civil Service Commission Pagasa Regional Winner in the 2017 Search for Outstanding Government Workers at iba pa.
May innovation din si Frederick na kanyang tinawag na “Bottle Modular Planting with Bio Organic Fertilizer Drip Irrigation on Agriculture Climate Change Mitigation and Adaption.”
Aktibo rin siya sa kanilang komunidad bilang volunteer leader sa mga agriculture programs ng gobyerno at TESDA.
Inirerekomenda nya sa mga kabataan na kumuha ng tech-voc courses, at sa mga interesado naman na huwag mahiyang kumuha ng tech-voc courses lalo sa agriculture dahil malaking tulong ito para sa food security ng bansa.
Pangarap pa ni Frederick na makapagpatayo ng sariling training school para marami pa siyang matulungan partikular ang mga mahihirap na mga kabataan na magkaroon sila ng magandang kinabukasan.
Sa kasalukuyan ay inaasikaso na nito ang kanyang aplikasyon para magkaroon ng accreditation para sa kanyang training center at umaasa siya na matutulungan ng TESDA para mapabilis itong maisakatuparan.
Para sa mga gustong sundan ang kanyang mga naabot na mga accomplishment sa buhay, pinayuhan niya ang mga ito na mag-aral ng tech-voc courses ng TESDA dahil libre naman ito at malaking tulong sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Ang TESDA ay hindi lamang nagbigay ng trabaho sa kanya kundi nagbigay din ng maraming kahulugan sa napiling niyang propesyon at fulfillment sa buhay.
Comments are closed.