SA NGAYON ay hindi pa posible ang P20 kada kilong bigas, ayon kay newly- appointed Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa isang press briefing, sinabi ni Laurel na umaasa siyang bumaba pa ang presyo ng bigas ngunit hindi, aniya, ito magiging madali.
“The P20 per kilo (unit price) was an aspiration, ‘di ba? Ang problem now, we are in the 15-year high sa world market…Today that is not possible. But with ‘yung directive ni Presidente to modernize, irrigate, use the right seeds, mechanize, and all of that, maraming gagawin, we are getting ready to do our best, to try to make rice affordable na kayang-kaya ng bulsa ng mamamayan,” sabi ni Laurel.
“But of course, modernizing is not easy, may procurement process, it might take a little time but we are going to do it as fast as possible,” aniya.
“It is possible to lower the price, definitely, but we have to have our silos, buffer stock, and change some laws, I believe,” dagdag pa niya.
Samantala, prayoridad ng bagong kalihim na pataasin ang produksiyon ng pagkain at gawing moderno ang agrikultura, isang pangunahing haligi ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Laurel, ang marching order ni Pangulong Marcos ay gawing moderno ang agrikultura upang ang bansa ay maging ligtas sa pagkain, hindi na umaasa sa mga import at maiahon ang milyon-milyong magsasaka at mangingisda mula sa kahirapan sa oras na matapos ang kanyang termino.
Aniya, plano niyang maglibot sa bansa sa mga darating na linggo upang mas maunawaan ang aktwal na sitwasyon sa lupa kung saan ang agrikultura ay bumubuo sa humigit-kumulang 10 porsiyento ng ekonomiya ng Pilipinas ngunit gumagamit ng isa sa bawat apat na Pilipino.
Batay sa datos, higit sa 10 milyong magsasaka at mangingisda ang mahihirap at marami sa kanila ang nalalapit na sa kanilang senior years, na nagdudulot ng potensyal na krisis sa pagkain sa susunod na dekada.
“Sa pamamagitan ng modernisasyon ng sektor ng agrikultura, maaari nating gawin itong isang mas kumikitang pakikipagsapalaran at makaakit ng isang nakababatang henerasyon na magtitiyak sa seguridad ng pagkain ng bansa sa mga darating na dekada,” sabi pa ni Laurel.
Bukod sa pagpapalakas ng produksiyon ng pagkain at modernisasyon, sinabi ng bagong hepe ng DA na sinabihan siya ni Pangulong Marcos na bigyang-pansin ang umano’y manipulasyon ng presyo at smuggling upang matiyak ang matatag na suplay at presyo at maprotektahan ang mga mamimiling Pilipino.
Sa layuning ito, sinabi niya na ang DA ay mahigpit na makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensiyang nagpapatupad ng batas upang hulihin at usigin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan.
PAULA ANTOLIN