MAY KABIGATAN sa ilang negosyo ang isinusulong na P100 minimum wage hike sa mga manggagawa sa pribadong sektor, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang panukalang P100 ay magreresulta sa karagdagang 15 hanggang 25 porsiyentong pagtaas sa suweldo ng bawat empleyado, tinukoy ang datos mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
“Medyo may kabigatan po. Dahil out of more or less one million na registered existing businesses sa atin, mahigit 900,000 nasa kategorya ng micro, small, and medium enterprises,” sabi. ni Leguesma.
Gayunman, sinabi ni Laguesma na magiging “contentious” na sabihin na hindi masusustina ng mga negosyo ang P100 dagdag-sahod.
Sa panig ng DOLE, sinabi ng kalihim na may pangangailangan na tingnan ng ahensiya kung paano mapangangalagaan ang mga trabaho, gayundin ang patuloy na lumikha ng mga karagdagang hanapbuhay upang mapanatili ang employment level.
“Kasi po kapag nakikita namin na ang mga hanapbuhay ay higit kaysa doon sa mga naghahanap ng hanapbuhay, puwedeng maglaro ‘yung tinatawag natin na market forces,” aniya.
“Kung gusto mong makakita ng manggagawa, sumabay ka sa mga benepisyo na hinahanap at gustong makita ng mga manggagawa na ipagkakaloob sa kanila. ‘Yon po ang mga konsiderasyon na dapat isinasaalang-alang,” dagdag pa ni Laguesma.
Sinabi rin ni Laguesma na kailangang tulungan ang maliliit na negosyo matapos ang COVID-19 pandemic.
Aniya, ang trabaho ng DOLE, partikular sa pamamagitan ng NWPC, ay ang magkaloob ng technical inputs, subalit ang batas sa paggawa ay nasa kamay na ng Kongreso.
Ang panukala na humihiling ng P100 umento sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor ay isinalang na sa plenaryo sa Senado nitong linggo.
Sa isang radio interview, iminungkahi ni Senadora Nancy Binay na hindi isali ang small and medium enterprises sa legislated wage increases.
“In fact, ‘yun din ‘yung isa doon sa exemptions na gagawin natin dito sa minimum wage increase eh ‘yung mga small and medium na mga negosyante, hindi kabilang dito sa minimum wage increase,” sabi ni Binay.