(Ayon sa LTFRB)6% NG PUVs PA LANG ANG MAY ‘K’ SA TAAS-PASAHE

IPINAHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na anim na porsiyento pa lamang ng public utility vehicles (PUVs) ang nakakuha ng bagong fare matrix, kaya ang mga ito lamang ang may kaparatan na magtaas ng singil sa unang araw ng pagpapatupad ng dagdag-pasahe.

“Ito pong fare matrix para sa effectivity nung bagong fare adjustment, mga six percent pa lang ang nabibigyan natin doon sa target nating 250,000 na mga PUVs,” wika ni LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes.

Sinabi ni Leynes na P5,000 na multa ang ipapataw sa mga PUV na hindi magpapakita ng kopya ng bagong fare matrix batay sa Joint Administrative Order No. 2014-001, at, aniya, ay nakakalat na ang monitoring team ng LTFRB para suriin ang mga PUV.

Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang mga commuter na i-report ang mga PUV na walang bagong fare matrix sa pamamagitan ng Facebook page ng LTFRB at hotline 1342, pero naniningil na ng dagdag-pasahe.

Aniya, P50 lamang ang singil ng ahensiya sa bawat kopya ng updated fare matrix.

Simula kahapon, Oktubre 3, ang minimum na pamasahe para sa tradisyonal na PUJ ay P12, habang sa modern PUJ ay P14.

Inaprubahan din nito ang karagdagang pamasahe sa bawat susunod na kilometro, P0.30 para sa mga tradisyunal na PUJ hanggang P1.80, at P0.40 para sa mga modernong PUJ hanggang P2.20.

Para sa mga public utility bus (PUB), ang minimum na pamasahe para sa mga city bus ay P13 para sa mga regular na bus, habang P15 para sa mga naka-air condition na bus at dagdag na P2 para sa unang limang kilometro.

Ang pamasahe para sa mga provincial bus ay tataas din ng P2, at dagdag na P1.90 hanggang P2.90 kada kilometro depende sa uri ng bus.

Habang sa taxi, ang flag-down rate ay tataas sa P45, at P40 sa Cordillera Administrative Region (CAR).

BENEDICT ABAYGAR, JR.