HALOS kalahati ng pamilyang Pinoy ang naniniwalang mahirap sila, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa survey na isinagawa ng SWS noong March 21-25 na 46 percent ng pamilyang Pinoy ang nagsabing mahirap sila. Ayon sa SWS, katumbas ito ng 13 milyong pamilya.
Kumpara noong Disyembre 2023, ang porsiyento ng mahihirap na pamilya ay halos hindi nagbago mula 47 percent.
Ang self-rated poverty ay pinakamataas sa Visayas sa 64 percent, kasunod ang Mindanao sa 56 percent, Luzon areas sa labas ng capital region sa 38 percent, at Metro Manila sa 33 percent.
Samantala, 30 percent ng mga pamilya ang nagsabing borderline poor sila, habang 23 percent ang itinuturing ang kanilang pamilya na hindi mahirap.
“Thirty-three percent of families rate themselves as ‘food-poor’ based on the food that they ate, hardly changing from December’s figures,” ayon pa sa SWS.
Subalit sinabi ng SWS na tumaas ang self-rated food poverty sa Visayas at Metro Manila.
“As of March 2024, the percentage of Self-Rated Food-Poor families was highest in the Visayas at 46 percent, followed by Mindanao at 44%, Metro Manila at 28 percent, and Balance Luzon at 24 percent,” dagdag pa ng SWS.
Ang SWS poll ay gumamit ng face-to-face interviews sa 1,500 adults. May sampling error margin ito na ±2.5 percent para sa national percentages.