AYUDA SA AIRLINE WORKERS NA-RETRENCH DAHIL SA COVID-19 CRISIS

AIRLINE WORKERS

KINALAMPAG ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang pamahalaan na tulu­ngan ang mga emple­yado ng mga airline na kasama sa mass layoff bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Isinisisi ng ­kongresista sa gobyerno na umabot sa pagkawala ng mas maraming trabaho at pagbagsak ng ekonomiya ang umano’y kabagalan, kawalan ng plano, at kakulangan sa pagpapatupad ng solusyong medikal para sana tugunan ang epekto ng krisis sa bansa.

Ayon kay Gaite, umabot  na sa 1,000 empleyado ang na-retrench ng 1Aviation Groundhandling Services Corporation na siya ring humahawak ng airport services ng Cebu Pacific.

Nito lamang Abril kasunod ng Luzon-wide lockdown ay may nauna nang 400 na bagong hired na mga empleyado ang natanggal sa trabaho.

Hindi na rin nakaligtas sa retrenchment ng mga manggagawa ang iba pang local carriers katulad ng Philippine Airlines na may 300 empleyado na na-layoff noong Pebrero,  190 empleyado sa Cebu Pacific noong Marso habang 260 kawani naman ang na­nganganib maalis sa trabaho sa katapusan ng Hunyo.

Hiniling ni Gaite sa pamahalaan na tulu­ngan at palawigin ang pamamahagi ng financial aid sa mga empleyado ng airlines,  gayundin sa iba pang nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pan­demya.   CONDE BATAC

 

Comments are closed.