AYUDA SA MICRO ENTREP

DTI

INILUNSAD ng Department of Trade and Industry (DTI) ang livelihood assistance program nito, ang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PBG) noong Enero 20, sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga evacuee sa Sto. Tomas, Batangas.

Tutulungan ng programa ang micro entrepreneurs na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal. Ilalatag ng DTI ang programa bilang assistance package sa mga biktima ng sunog, bagyo at iba pang kalamidad sa buong bansa.

Sa ilalim ng PBG program, ang DTI ay magkakaloob ng financial assistance na P10,000 at educational materials makaraang magsagawa ng profiling at negosyo training sa mga micro entrepreneur.

Ipinagkaloob ni Trade Secretary Ramon Lopez ang gift checks sa paunang  20 entrepreneurs na karamihan ay street food vendors, market vendors, at sari-sari store owners na nais ipagpatuloy ang kanilang mga negosyo. Ang mga interesado sa PBG Program ay maaaring magtungo sa DTI Batangas Provincial Office sa Lipa para sa initial assessment.

Kabilang sa mga recipient ay si aspiring entrepreneur Carito Ginil, isang 45-year-old habal-habal driver at barangay kagawad, na nais gamitin ang kanyang PBG funds para magtayo ng isang eatery o sari-sari store. Balak naman ng 35-anyos na worker na si Joel Cruz na gamitin ang pondo sa pagsisimula ng manicure/pedicure business para sa kanyang asawa.

“Ang PBG ay inisyatibo ng pamahalaan at DTI upang matulungan ang mga pinakamaliliit na negosyante na naapektuhan ng pagsabog ng Taal. Ang paunang puhunan ay mabilis at madaling pagkukunan ng kapital upang makabalik sa normalidad ang kanilang kabuhayan matapos ng insidente,” sabi ni  Secretary Lopez.

Hinimok ni Lopez ang mga negosyante na bumisita sa DTI Negosyo Centers at Provincial Offices upang matulungan sila na muling makapagsimula o palaguin ang kanilang negosyo.