AYUDA SA TURISMO PINALAWAK SA BAYANIHAN 2

NAGHAHANDA ngayon ang mga mambabatas na dagdagan pa ng mahigit P15 bilyon ang tulong para sa sektor ng turismo at iba pang industriyang nasalanta ng COVID-19 pandemic sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Ang industriya ng turismo na matagal nang dumadaing sa epekto ng pandemya ay maaaring makakuha ng pautang mula sa binabalak na mas pinalaki pang P56 bilyon na pondo na idadaan sa mga bangko ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines (Land-Bank) at Development Bank of the Philippines (DBP), ayon sa sources na kasama sa bumabalangkas ng pinal na bersiyon ng Baya-nihan 2 sa bicameral conference committee ng Kongreso.

Ito ay mula sa dating P51 bilyon na inilaan ng Kamara de Representante para sa mga industriya at sektor na mga nalugi dahil sa krisis na dulot ng pandemya.

Bukas din para sa industriya ng turismo ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan balak ng Kongreso na maglaan ng

P16B-P20B  para sa mga nawalan ng trabaho sa iba’t ibang negosyo, kasama na ang micro, small and medium enterprises o MSMEs.

Sa balak ng Kongreso para sa TUPAD program ay P3B-P5B  ang maaring mapunta para sa manggagawa ng tourism industry sa Bayanihan 2.

Ayon pa sa sources, hindi uubra ang pinagpipilitan ng mga malalaking kompanya sa tourism sector na mabigyan sila ng pondo na para lamang sa kanilang industriya dahil kung ganito ang mangyayari, inaasahan na pati ang iba pang industriya tulad ng construction, transport, aviation, manufacturing at iba pang napeste ng pandemya ay hihingi na rin ng ganitong ayuda na exclusive para lang sa kanila.

Sa katunayan, ang Tourism Congress of the Philippines (TCP), sa pangunguna ni Jose Clemente III, at maging si Tourism Secretary Berna Puyat ay pinipilit na maglatag ng P10 bilyong pondo para lamang sa kanilang sektor, bukod pa sa pondo na ilalaan sa LandBank at DBP para ipautang sa mga apektadong negosyo sa sektor ng transportasyon at turismo at sa MSMEs.

“Marami sa mga mambabatas ang nagsasabing hindi pupuwede ang ganitong sistemang pinagdidiinan ng mga big player  sa industriya ng turismo at maging ni Secretary Puyat  dahil mas mabuting ang mga bangkong tulad ng LandBank at DBP na may sinusunod na mahigpit na panuntunan kung paano magbibigay ng pautang ang mas karapat-dapat na magpasiya kung sino ba ang dapat tulungan,” ayon pa sa source.

“Dapat nating tandaan na hindi lang naman ang sektor ng turismo ang nasalanta ng pandemya. Maraming MSMEs ang naghihikahos na ngayon na dapat ding tulungan,” dagdag pa ng source.

Ayon pa sa source, ang mga nasa bicameral committee mula sa Kamara de Representante ay nanindigang kailangan pa rin ang infra fund para sa turismo at naniniwalang tama sila sa puntong ngayon pa lang ay dapat nang gumastos para sa pagpapaunlad ng imprastraktura patungo sa mga tourist destination dahil ang isang dahilan ng low visitor arrival ng bansa ay hindi maganda ang infra nito.

Ilan sa mga mambabatas sa komite ang nagsabing ang infra projects ay hindi lamang naglalayong makalikha ng mga bagong trabaho para sa tourism industry, kundi makalapagpalago pa sa ekonomiya dahil sa bawat pisong gagastusin sa infrastructure ay 3.5 ang tinatayang ‘multiplier effect’ nito.

Sa madaling salita, ang P10 bilyon na pondo dapat sa infra ay lalago sa P35 bilyon na siyang magpapasigla sa tourism industry at ekonomiya.

Sinabi rin ng mga mambabatas sa pulong ng komite na kahit mabigyan ng mga pautang amg malalaking resorts at hotels ay hind rin naman makatutulong dahil kahit pa makatawid na ang Filipinas sa new normal ay mag-aatubili pa ring lumabas at maglakbay ang mga turista, dito man o sa ibang bansa.

Anila, kailangang mamuhunan sa infra projects upang makalaban ang Filipinas pagkalipas ng pandemya sa mga nangungunang bansa sa turismo sa rehiyon gaya ng Thailand, Malaysia, Singapore at ­Vietnam.

Comments are closed.