MULING nagtala si Filipino pole vault sensation EJ Obiena ng bagong national indoor pole vault record sa kanyang silver medal finish sa 2021 Orlen Cup sa Lodz, Poland kahapon.
Nalusutan ni Obiena ang 5.86-meter mark sa tatlong pagtatangka para sa bagong Philippine record.
Ito ang ikatlong pagkakataon na binura niya ang national mark ngayong taon kung saan naitala rin niya ang kanyang personal best jump.
Unang naiposte ng 24-year-old pole vaulter ang bagong national record noong nakaraang Enero 30 sa Karlsruhe World Indoor Tour Meeting, nang lundagin niya ang 5.62 meters subalit sapat lamang para sa ika-5 puwesto.
Kasunod nito ay winasak niya ang national mark noong Pebrero 6 makaraang malusutan ang 5.80 meters mark upang pagharian ang ISTAF Indoor Athletics Meet sa Berlin, Germany.
Sa Orlen Cup, nilundag ni Obiena ang 5.40 meters at 5.60 meters sa isang attempt. Naabot din niya ang 5.72 meters at 5.80 meters sa dalawang pagtatangka.
Nakaharap ni Obiena si two-time world champion Sam Kendricks ng United States sa final match-up sa 5.86 meter clearance. Nalundag din ng American ang mark, ngunit minabuting laktawan ang 5.91 meter jump na nakabuti sa kanya para kunin ang gold.
Nagkasya si Obiena sa silver finish makaraang mabigong ma-clear ang 5.91 meters mark sa tatlong pagtatangka.
Inaasahang sasabak si Obiena sa isa pang kumpetisyon sa Poland sa susunod na linggo sa pagpapatuloy ng kanyang paghahanda para sa 2021 Tokyo Olympics.
Comments are closed.