BAGONG RIGODON ASAHAN SA PNP

ANUMANG oras o araw ay muling asahan ang balasahan sa hanay ng mga opisyal sa Philippine National Police (PNP) kasunod sa pagbaba sa puwesto ni Lt. Gen. Jon Arnaldo bilang The Chief of the Directorial Staff (TCDS), at sa iba pang opisyales ng PNP.

Si Arnaldo ay nakatakdang magretiro sa October 3 matapos maabot ang mandatory retirement age na 56.

Sa flag raising cere­mony Lunes ng umaga sa PNP headquarters sa Camp Crame, ginamit ni Arnaldo ang pagkakataon para magpasalamat kay  PNP Chief Gen Rommel Francisco Marbil sa tiwala na ibinigay sa kanya.

Sa talumpati, binigyang diin ni Arnaldo ang kahalagahan ng pagkakaisa at suporta ng bawat isa para magtagumpay sa misyon na protektahan ang sambayanan.

Dahil sa retirement ni Arnaldo, si Lt Gen. Michael John Dubria na lang ang maiiwan na senior official sa Command Group ng PNP.

Matatandaan na sa ipinatupad na balasahan noong nakalipas na linggo, nag-abiso na si Marbil na asahan na ang re-assignment sa mga matataas na opisyal ng PNP dahil sa mga opisyales na magreretiro ngayong Oktubre.

EUNICE CELARIO