BAI NAGBABALA SA MALING PAGGAMIT NG ANTIBIOTICS SA MANOK

NAGBABALA ang mga opisyal ng Bureau of Animal Industry(BAI) ng Department of Agriculture(DA) sa poultry at animal raisers na huwag abusuhin ang paggamit ng antibiotics sa pag-aalaga ng mga hayop lalo at sa pag aaral nng Cavite State University (CSU) ay nakitaan ang ilang samples ng manok sa lalawigan ng bacteria na resistant na sa naturang gamot.

“Problema na ngayon, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, ang anti microbial resistance. In fact, ine-estimate nga by 2050 e several millions of people will die because of anti microbial resistance, kasi wala nang drug na puwedeng magamit sa infection because of this resistance,” sabi ni Dr. Nelson Montialto, DVM, Co- Researcher, Cavite State University.

Bukod sa heart disease at cancer na pangunahing sanhi ng kamatayan, ang anti-microbial resistance ay kabilang na rin sa top health concerns, batay sa ulat ng World Health Organization (WHO). Hindi na kayang puksain ng antibiotic ang bacteria dahil immune na ito sa gamot.

Dahil dito, nagsagawa ng pag-aaral sa 10 rehistradong poultry sa upland Cavite ang College of Veterinary Medicine and Biomedical Sciences ng CSU upang malaman kung mayroon nang AMR sa nasabing probinsya.

Pinag-aralan nila at kinuhaan ng samples ang mga manok na naroon upang malaman kung mayroon na itong mga bacteria na magre-resist sa antibiotics.

Ayon sa pag-aaral ni Dr. Cynthia Rundina-Dela Cruz, isang beterinaryo at microbiologist, laganap ang bacterial diseases sa ilang poultry farms sa Barangay Tambo Malaki sa bayan ng Indang, at sa Barangay Litlit sa bayan ng Silang.

Ang pag-aaral, na may pamagat na “Antibiotic Sensitivity Profile and Dominant Antibiotic Resistance Genes in Selected Avian Bacterial Pathogens from Commercial Poultry Farms in Upland Cavite,” ay iprinisinta noong Oktubre 2 sa isang symposium ng Department of Science and Technology (DOST) tungkol sa pananaliksik sa agrikultura at likas-yamang dagat.

Sa resulta ng pag-aaral na iprinisinta ng CSU sa symposium ay nakitaan na ng resistance sa antibiotics at ultimong ang last resort antibiotics ay kaya na ring i-resist ng bacteria mula sa mga manok sa Cavite.

“Ito ngang first time lang, nakita namin na meron siyang resistance sa Colistene. ‘Yung sa gamot na Colistene. Na para sa human lang dapat. Kung last resort drug sa human. Kaya ibig sabihin, halos wala na tayong magagamit na ibang antibiotic para sa sakit sa tao,” sabi ni Montialto.

Dagdag pa niya, delikado ito kapag napunta sa tao dahil maaaring hindi na magamot ng antibiotic ang magiging sakit.

“That is a very serious concern. Imagine, baka sa mga susunod na taon, baka dumami na ang death due to anti-microbial resistance, kasi wala na talagang makakapatay sa kanila,” ani Montialto.

Lumabas sa pag-aaral sa Cavite na yaong mga manok na may anti-microbial resistance ay nabigyan ng maling dosage ng antibiotics. Nagpaalala ang BAI sa mga animal raiser na huwag abusuhin ang paggamit ng antibiotics lalo at madali lang itong nabibili sa mga poutry supplies.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia