ANO sa palagay mo ang pinaka-popular na toothpaste? Kung Colgate ang sagot mo, tama ka! Kung tatanungin ko naman kung ano ang pinaka-popular na search engine, malamang ang sagot mo naman ay Google. Tama na naman ‘yun!
Malaking halaga ang naibabahagi ng isang brand sa pagpapaunlad ng isang negosyo. ‘Di dapat binabalewala ang branding. Ano nga ba ito?
Ang branding ay ang pagposisyon sa iyong produkto o serbisyo sa pamamagitan ng kakaibang pangalan o pagpapaalala sa iyong merkado kung sino ka at ano ang katauhan mo. ‘Yan ang pagkilala ng mga kostumer mo sa ‘yo. Kaya naman kung popular ang brand mo, binibili ka higit sa iba.
#1 Posisyon sa isipan
Alam mo ba na ang pinakamahalaga sa branding sa negosyo ay ang kakaibang pagposisyon sa isipan ng mamimili kung sino ka bilang produkto o serbisyo? Isa itong simbolo na kumakatawan sa iyong produkto o serbisyo.
Isang halimbawa ay ang gasolinahang Caltex. Alam ba ninyo na tuwing nagpapakarga ako ng Caltex (gasolina man o diesel) sa aming mga sasakyan, sumasagi sa isip ko ang komersiyal sa TV kung saan tila nililinis ng mga tao ang aking makina? ‘Yan mismo ang nagagawa ng branding. At ayun na nga – Caltex lamang ang ikinakarga ko sa aking mga sasakyan. Bukod pa rito, pati langis sa kotse, Caltex na rin ang gamit ko. Kahit pa sa anong talyer o gasolinahan ako magpapa-change oil, may dala akong Caltex na langis.
#2 Posisyon sa merkado
Kung nais mong lumamang man o makaakit ng ibang kostumer patungo sa iyong produkto o serbisyo, branding ang kailangan.
Noong ako’y nagtatrabaho pa sa ahensiya o advertising agency, nahawakan ko ang brand na San Miguel Beer, partikular ang Pale Pilsen. Dito ako unang nahasa sa mga istratehiya sa branding. Natutunan ko na mahalagang maprotektahan ang posisyon mo sa merkado lalo pa’t nangunguna ka. Kaya naman noong naglabas ang San Miguel ng iba’t ibang sukat ng Pale Pilsen gaya ng Miguelito at Grande, nakita ko agad ang mga istratehiyang ilaban ang dalawang laki ng Pale Pilsen na ito sa mga bagong salta na mga brand ng beer noon gaya ng Beer Hausen (ng Asia Brewery) at pati na rin ang mga inuming alak sa probinsiya. Bukod sa lasa, ‘yung matitipid mo sa malaki man o maliit na Pale Pilsen ay dapat na iposisyon nang maayos ang brand ng beer na San Miguel para maprotektahan mula sa mga kalaban.
Isa pang halimbawa ay ang mga produktong organic at herbal gaya ng Daila Herbal. Kung ‘di pa ninyo naririnig o nakikilala ang brand ng Daila ay dahil na rin na ‘di kayo ang merkado nito. Ngunit dahil namamayagpag ang brand na ito, alamin natin kung bakit at paano. Simple lang. Dahil na rin ang Daila Herbal at organic na mga produkto ay totoo sa kanilang brand — herbal at organic.
#3 Posisyon sa Bulsa
Sa dulo, ang benta ng isang produkto ang iyong nasa isipan kung gagawa at gagamit ka ng mga istratehiya sa branding. Paano ba ito ginagawa?
Sa una, kailangan mo ng pagsasaliksik upang makita mo ang mga ginagawa (o ‘di ginagawa) ng iyong mga kalaban na produkto o serbisyo. Isulat ang lahat ng ito at iorganisa. Kapag naayos mo na ang mga datos, makikita mo na kung ano’ng mga puwede mong gawin para maiba ang iyong brand sa kalaban.
Tingnan ninyo ang mga motel. Tiyak namang kalaban nila ang mga mas malalaki at magagarang hotel, ‘di ba? Kaya naman para lumaban sa malalaki, naisip nilang ibahin ang target na ‘bulsa’ na sa simula ay ang masa. Inayos nila ang presyo na naaayon sa ilang oras (walong oras, halimbawa). Mas mura nga naman lalabas kung tattlo hanggang walong oras lamang ang babayaran ng kostumer kaysa buong araw (24 oras?). Inayos din ng mga motel ang disenyo ng mga kuwarto na naaayon sa panlasa ng bawat kostumer.
Ngayon, naiposisyon na ang mga motel sa pagsasakutaparan ng mga bridal shower, stag party, at iba’t ibang kasayahan na mas mura sa mga hotel. Naisakatuparan nila ang tamang branding sa buong industriya ng mga hotel.
Sa ngayon, ano’ng posisyon ng iyong brand laban sa mga kalaban? Pag-isipang mabuti at simulan na ang masusing pag-aaral.
o0o
Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at makokontak sa [email protected].
Comments are closed.